Libre ang sakay sa Light Rail Transit (LRT)-Line 2 para sa mga babaeng pasahero sa Lunes, March 8.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng International Women’s Day tuwing March 8 ng bawat taon.
Ayon sa anunsiyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Facebook, hindi sisingilin sa pasahe ang kababaihang pasahero sa peak hours sa Lunes.
Ang peak hours ay simula 7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at simula 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.

Ipinapaalala sa mga pasahero ang mga basic health protocols na ipinatutupad sa lahat ng LRT trains at terminals.
Ang mga ito ay ang pagsusuot ng face mask at face shield, pagpapatupad ng physical distancing, at pagbabawal na magsalita, tumanggap ng phone calls, at kumanta sa loob ng tren.
Pinapayuhan din ang mga pasahero na maglaan ng ekstrang oras para sa mandatory temperature check at pagpi-fill out ng passenger information form sa pagpasok sa mga terminal ng tren.
Mahigpit ding nililimitahan ang mga pasahero sa terminal, lalo na sa loob ng tren, kaya dapat ding pasobrahan ang oras sa pagpila.
Ang LRT-Line 2 ay bumibiyahe mula sa Santolan sa Pasig City hanggang sa Recto Avenue sa Maynila.
