Walang reaksiyon si Willie Revillame sa kumakalat na balitang posibleng tumakbo siya bilang mayor ng Quezon City sa Mayo 2028.
Mas pinili niyang iparating ang kanyang mensahe sa mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa kanyang mga dating hit song, kabilang ang “Syempre” at “Buksan Mo, Papasukin Ako.”
Kasama rin sa mga awiting naging popular noon ni Willie ang “Ikaw Na Nga,” “Yun Ka,” at “Miss Pwede Ba,” na pinaniniwalaang may malaking posibilidad na muling mag-viral.
Ang “Syempre,” na komposisyon ni Vehnee Saturno noong 2012, ay muling sumikat at nag-viral sa social media platforms simula noong Setyembre 2026 hanggang ngayon.
Labing-apat na taon na ang nakalilipas nang i-record ni Willie ang kanta, kaya hindi niya maipaliwanag kung bakit bigla itong muling sumikat.
Mas kapansin-pansin ang bagong tagumpay ng “Syempre” dahil umabot ito sa No. 29 ng Billboard Philippines Hot 100 chart na may petsang Oktubre 3, 2026.
Bukod dito, nag-No. 4 din umano ang kanta sa TikTok.
“Hindi ko talaga alam, e. Si Vehnee ang nagsabi sa akin na viral yung 'Syempre' na Top 29 sa Billboard at nag-No. 4 sa TikTok.”
Ayon kay Willie, maging siya ay nagulat sa biglaang pagbabalik ng kanta sa limelight.
“Hindi ko talaga alam [ang dahilan]. Natutulog ka, biglang nag-viral yung kanta mo.
"Salamat sa inyo, yung 'Buksan Mo,' twenty years na. Yung 'Syempre,' fourteen years na,” saad niya.
Read: Dennis reacts to Gelli's comments on Patrick-Jennylyn issue
"BUKSAN MO, PAPASUKIN AKO"
Hindi lamang “Syempre” ang lumang kanta ni Willie na muling sumikat ngayong 2026.
Noong Enero 2026, nag-viral din ang “Buksan Mo, Papasukin Ako,” na komposisyon ni Lito Camo noong 2007.
Palaisipan din kay Willie ang naging tagumpay ng awitin, lalo na't halos dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang ito ay i-release sa mga record bar at hindi naman niya ito ipinu-promote ngayong 2026.
Sa kabila nito, nagpapasalamat si Willie sa mga taong patuloy na nakikinig at sumusuporta sa kanyang mga kanta.
“I am so thankful. Sobrang pasasalamat sa inyong lahat,” mensahe na ipinaaabot ni Willie sa lahat ng mga tumatangkilik sa kanyang mga awitin.
Dahil sa tuwa ni Willie sa muling pagsikat ng “Syempre,” muli siyang nag-record ng bagong bersiyon ng kanta.
Mas moderno at mas maganda ang tunog ng bagong recording, na nagsisilbi rin niyang pasasalamat sa mga patuloy na sumusuporta sa kanya.
Read: Former actor Paulie Yllana opens up about health crisis, financial struggles