Nangangailangan pa rin ng dugo ang ama ni Martin del Rosario na si Robert del Rosario, 59, matapos sumailalim sa emergency quintuple heart bypass surgery sa Philippine Heart Center noong Lunes, Hulyo 27, 2026.
Sa panayam ng Cabinet Files matapos ang live guesting niya sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, Hulyo 28, nanawagan ang 33-year-old Kapuso actor sa mga handang mag-donate ng dugo para sa kanyang ama.
“Inoperahan siya kahapon ng madaling-araw tapos ngayon, nasa ICU pa rin siya,” lahad ni Martin.
“Kanina, tinanggal na yung [tubo sa bibig niya], good sign naman.
"As of now, need pa namin ng blood for him. Naka-six pa lang so kailangan pa namin ng mga sampu.
“Puwedeng mag-donate sa Heart Center, may screening lang.
"Malaking tulong na yon for us at siyempre sa mga life saver ng dad ko, yung mga doktor niya, thank you very much.”
Read: Vice Ganda apologizes over criticized It’s Showtime jokes
QUINTUPLE BYPASS SURGERY
Ayon kay Martin, triple bypass surgery lang ang una nilang inihahanda. Ngunit nang masuri nang mabuti ang kondisyon ng kanyang ama, naging quintuple bypass ang isinagawa.
“Dapat triple bypass yung nire-ready namin, e, pag-opera sa kanya, naging quintuple bypass surgery.
“It’s super fatal. It’s a rare case pero hindi siya inatake. Nahuli namin nang maaga.
“Meron siyang symptoms of parang GERD [Gastroesophageal Reflux Disease].
“Di ba, yung iba, hingal nang hingal? Si Dad, normal.
“Nagkataon lang na a week ago, may family doctor na nagsabing i-check natin.
“Nag-2D Echo, may nakitang minor weakening ng muscle, ganoon lang.
“Then, nag-angiogram. Boom! Nakita lahat ng mga bara.
“Buti na lang hindi siya inatake. Nahuli agad.
“Dinala namin siya sa ospital, nakita na all major arteries blocked.
“Parang ang dumadaloy sa puso niya, ga-hibla na lang ng buhok. Ga-hibla na lang ng buhok ang blood na nagsu-supply sa puso niya.”
Dahil emergency ang operasyon, hindi na nila naasikaso ang aplikasyon para sa PhilHealth Z Benefits, isang espesyal na package para sa mga pasyenteng may malulubhang karamdaman gaya ng sakit sa puso at cancer.
“Emergency yung operation so hindi na namin nakuha yung Z Benefits from PhilHealth kasi malaki yon.
"So, ngayon kailangan namin pagdaanan yung normal.
“Yung procedure is very expensive.”
Inamin din ni Martin na nagsilbi itong wake-up call para sa kanya pagdating sa sariling kalusugan.
“After niya gumaling, gusto ko magpa-check up,” sabi ng aktor, na aminadong naapektuhan sa biglaang health scare ng kanyang ama.
Read: Direk Joel Lamangan mum on questionable wins at 1st FAMAS Broadcast Arts Awards