Trigger Warning: Graphic description of injury, death
Ginugunita ng mga nagmamahal sa National Artist na si Lino Brocka ang ika-35 anibersaryo ng kanyang pagpanaw ngayong Biyernes, Mayo 22, 2026.
Binawian ng buhay ang batikang direktor matapos bumangga sa isang konkretong poste sa East Avenue, Quezon City, ang kotseng sinasakyan niya at minamaneho ng aktor na si William Lorenzo, noong Mayo 22, 1991.
Wala nang buhay si Brocka nang dalhin siya sa East Avenue Medical Center.
PHILLIP SALVADOR RECALLS THE TRAGIC DEATH OF LINO BROCKA
Ang kanyang protegé at award-winning actor na si Phillip Salvador ang isa sa mga sumugod sa ospital nang makarating sa kanya ang nakapanlulumong balita tungkol sa pagpanaw ni Brocka.
“Pocketbell pa ang uso noon. Madaling-araw, natutulog ako sa bahay ko sa Merville Subdivision, Parañaque City.
"Narinig ko tumutunog ang Pocketbell ko. Pagtingin ko, 23 messages from Gina Alajar, Dennis Roldan. Nasa East Avenue Hospital sila.
"Sinabi ni Gina, ‘Wala na si Tito Lino,’” simulang kuwento ni Phillip nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Biyernes, Mayo 22.
“Nagpunta agad ako sa East Avenue Hospital. Yung morgue nila, nasa basement. Kasama ko noon si Dennis, konsehal siya noon.
“Pagbaba ko sa morgue, nakita ko nasa sulok ang body ni Lino, nakabalot ng kumot, may dugo.
“Pagtingin ko, may butas ang noo niya, dalawang butas. Hinawakan ko pa yung sugat, lumusot ang daliri ko.
"Tapos niyakap ko na lang siya. Wala na, umiyak na ako. Niyakap ko na lang siya.”
Read: Phillip Salvador pays tribute to late mentor Lino Brocka

PHILLIP REVEALS RIFT WITH BROCKA BEFORE THE DIRECTOR'S DEATH
Ayon kay Phillip, matagal silang nagkaroon ng tampuhan ni Brocka.
Pero nagpapasalamat ang aktor dahil nagkabati sila bago namatay ang mentor niya na malaki ang naitulong sa kanyang personal at propesyonal na buhay.
Ayon kay Phillip, nag-ugat ang away nila ni Brocka dahil lamang sa mga eksena sa Orapronobis ( Fight For Us), ang pelikulang pinagbidahan nila nina Gina Alajar at Dina Bonnevie.
Ipinalabas ito sa mga sinehan noong Mayo 20, 1989.

Pagbabalik-tanaw ni Phillip: “Nag-away kaming dalawa, talagang nagsigawan kami.
"Ganyan naman kami, kapag nag-aaway, natataranta na yung mga tao. Kapag sumigaw siya, sinisigawan ko rin.
“Nag-away kami sa set ng Orapronobis. Ang role ko, rebel priest.
"Ang eksena, patay na si Gina [Alajar]. Nakahilera na yung mga patay.
"E, ang mga kasama ko sa eksena, PETA actors. Ang gagaling nila, madadala ka talaga.
"Ang eksena, nakita ko si Gina, nililinis ko yung mukha kasi puro putik, ibinaon siya sa lupa.
“E, yung mga katabi kong PETA actors, nag-iiyakan, kaya bumabagsak din ang luha ko. Pero walang sound. Tumutulo lang.
“Kina-cut ni Lino ang eksena, sabi niya, ‘Phillip, don’t cry. Don’t cry.’
“Sabi ko, 'I am sorry.' Bumabagsak yung luha ko, e, nakaka-take five na kami. Film ang ginagamit noon.
“Nagmura siya, sabi niya, ‘P*t*ng ina, I said don’t cry!’
"E, ang daming tao, sabi ko, ‘Huwag kang magmura!’ I am trying my best not to cry.
“Sabi niya, ‘Huwag kang umiyak! Ayokong makakita ng luha! Bayaan mo silang magyawyawan diyan!’
“Si Gina, sabi niya, ‘Huwag kayong mag-away.’ So, pinigilan kong huwag maiyak."
Read: Joel Lamangan recalls fondest memories working with Lino Brocka
Pagpapatuloy na lahad ng aktor: “Yung sumunod na eksena, hinahanap ko yung anak namin ni Gina.
“Nakita ko yung anak ko sa trailer na lagayan ng mga kinatay na baboy.
"Pinatay siya ng grupo ni Bembol Roco. Ang general sa pelikula, si Joel Lamangan.
“Umakyat ako sa trailer para kunin yung anak ko na pinatay. Pumatak na naman ang luha ko.
“Sabi ni Lino, ‘No tears, please! No tears!!!'
“Sabi ko, ‘Lino, anong no tears ang sinasabi mo? Anak ko na ito. Pinatay na yung anak ko. Hindi naman ako humahagulgol!'
“Sabi ni Lino, ‘P*t*ng ina, just listen to me! Just do what I say!'’”

THE RECONCILIATION
Pero nagkabati naman daw sila dahil kinuha siya ni Brocka para magbida sa drama series ng IBC-13, ang Biktima ng Ligaw na Sandali, noong 1991.
“Nagkabati kami before he died. Action movies na ang mga ginagawa ko noon.
“Kinuha niya ako for a TV show. Hindi pa kami magkabati noon, pero he needed me as an actor, with Gretchen Barretto.
“Pagdating ko set, taping day, lahat ng mga tao tahimik. Stressed sila, tensiyonado, kasi nga alam nila na magkaaway kami ni Lino.
“Biglang si Lino, nang dumating na ako, sabi niya, ‘Helloooo!’ Niyakap niya ako, hinalikan. Sabi niya, ‘I miss you!’
“Yung mga tao sa set, nagulat, napamura sila,” natatawang lahad ni Phillip.
Labis daw natuwa si Phillip nang ideklara si Brocka na National Artist for Film, posthumous, noong 1997.
Sa kabila ng estado ni Brocka bilang National Artist, nananatiling nakalibing ang kanyang mga labi sa Himlayang Pilipino Memorial Park, Quezon City.
Nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City ang lahat ng mga National Artist.
Nais ni Phillip na mailipat sa Libingan ng mga Bayani ang mga labi ni Brocka kaya makikipag-ugnayan siya sa mga kinauukulan.
Read: Lapida ni Lino Brocka, dapat nang ipaayos at lagyan ng "National Artist"
Postscript: Ang Cain at Abel (1982) ang isa sa mga pelikulang ginawa nila ni Brocka na hindi malilimutan ni Phillip.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nanalo siya ng best actor awards mula sa Film Academy of the Philippines (FAP) at Gawad Urian noong 1983 dahil sa pagganap niya sa Cain at Abel.

Grandslam best actor din si Phillip noong 1984 dahil sa kanyang ipinamalas na husay sa Kapit sa Patalim: Bayan Ko, na si Brocka rin ang direktor.
Ang iba pang mga pelikula ni Phillip na idinirek ni Broacka ay Ang Mananayaw, Ang Tatay Kong Nanay, Hayop sa Hayop, Rubia Servios, Jaguar, Nakaw na Pag-ibig, Bona, Kontrobersyal, Init,Caught in the Act, Hot Property, at Adultery: Aida Macaraeg Case No.7892.
Read: Senator Robin Padilla dodges questions on role in Bato dela Rosa’s escape