Ginunita ngayong Huwebes, Abril 9, 2026, ang Araw ng Kagitingan.
Ito rin ang araw na ipinakilala nina Alden Richards at Pinky Webb ang kauna-unahang Hero for All awardee, si Rhodora Alcaraz Tuñacao, 28, ng San Pablo City, Laguna.
Si Rhodora ang Filipina domestic helper sa Hong Kong na kinikilala bilang isang bayani dahil iniligtas niya ang inaalagaang three-month-old baby boy mula sa malaking sunog na nangyari sa Wang Fuk Court, Tai Po District New Territories, sa Hong Kong noong Nobyembre 26, 2025.
Read: OFW Rhodora Alcaraz, hurt in Hong Kong fire, declared "stable"
Pinuri nina Pinky at Alden ang kabayanihang ipinamalas ni Rhodora.
Dumating si Rhodora sa Hong Kong noong Nobyembre 25.
Makalipas lamang ang isang araw, Nobyembre 26, naganap ang mapamuksang sunog na kumitil ng 168 na buhay at 79 ang bilang ng mga sugatan.
Nag-viral ang voice recording ni Rhodora na ipinadala nito sa kanyang pamilya habang nagaganap ang trahedya at humihingi siya ng tulong para makaligtas sila ng alaga niyang sanggol.
“Kitang-kita natin kung gaano ka-selfless yung ginawa niya para sa kanyang employer during that time. Wala pang 24 hours si Rhodora sa Hong Kong nang mangyari ang sunog,” sabi ni Alden matapos ang pagpapakilala nila ni Pinky kay Rhodora.
RHODORA'S HONG KONG EXPERIENCE
Naganap ang pagpupugay kay Rhodora sa Fairmont Hotel, Makati City, nitong Huwebes ng hapon.
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, sinabi ni Rhodora na wala siyang kamalay-malay sa parangal na kanyang matatanggap.
“Na-inform po ako na may event daw po ng mga hero. Hindi ko po talaga alam na ako pala yon,” kuwento ni Rhodora.
Matapos magpagaling sa isang ospital sa Hong Kong makaraang maging biktima ng sunog, bumalik si Rhodora sa Pilipinas noong Disyembre 16, 2025.
Pero wala na raw silang komunikasyon ng kanyang Chinese employers na isang araw lamang niya napagsilbihan.
Lahad ni Rhodora: “Nung inilipat naman po ako sa ordinary room nung nasa ospital po ako, pumunta naman po yung amo kong lalake.
“Humingi po siya ng pasensiya sa nangyari. Sabi niya, magpagaling ako, magpalakas ako. Huwag akong mag-alala dahil okay na rin naman si baby.”
Sinubukan ni Rhodora ang kanyang kapalaran sa Hong Kong para makatulong siya sa pagpapaaral sa kanyang mga nakababatang kapatid at upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak niya.
Tinanong ng Cabinet Files si Rhodora kung interesado ang mga Chinese employer niyang muling kunin ang kanyang serbisyo.
”Wala naman pong ganoon,” sagot ni Rhodora.
“Ang sabi lang niya, yung sitwasyon niya noon, mahirap talaga.
"Pero sabi niya, 'Don’t worry. Nandito lang naman kami. Hindi lang talaga ako palaging maka-visit sa yo dahil nandun ako sa mag-ina ko.”
Sa kabila ng traumatic experience niya sa Hong Kong, may plano pa rin si Rhodora na magtrabaho sa ibang bansa dahil nasa puso raw niya at masidhi ang kanyang hangaring makatulong sa pamilya.
Read: Update on OFW Rhodora Alcaraz, the heroine in Hong Kong fire
search for EXCEPTIONAL EVERYDAY FILIPINOS
Bukod kay Rhodora, naghahanap pa ang Casino Plus at ang Alden Richards Foundation ng labing-siyam na “exceptional everyday Filipinos” na pararangalan bilang mga bayani dahil sa kanilang mga kontribusyon sa lipunan.
Isang milyong piso at tropeyo ang matatanggap ng mga mapipiling Hero for All.
Nakatakda ang awarding ceremony para sa The Grand Hero for All sa National Heroes Day sa August 31, 2026.
Samantala, magsisimula sa Abril 10 at tatagal hanggang Mayo 1, 2026 ang nominasyon sa mga karapat-dapat hiranging bayani sa nationwide search ng Casino Plus at ng foundation ni Alden.
Read: OFW Nerissa Catabay, nag-livestream habang tumatakas sa HK fire