Nagbigay ng kahihiyan sa Pilipinas ang isang taxi driver sa Cebu dahil sa pambibiktima niya sa K-pop idol na si Soobin at sa kaibigan nito.
Bumiyahe ang dalawa sa tinaguriang "Queen City of the South" para magbakasyon sa Bluewater Maribago Beach Resort at The Reef Island Resort, na parehong matatagpuan sa Mactan, Cebu.
Si Soobin ang leader ng sikat na South Korean boy group na Tomorrow X Together (TXT).
Dokumentado ang Cebu adventure nila ng kaibigan at in-upload sa official YouTube account ng Tomorrow X Together, na mayroong 13.3 million subscribers.
Bagamat sa kabuuan ay naging masaya at exciting ang bakasyon nila sa Cebu, nabahiran ito ng pagkadismaya dahil sa panlilinlang na ginawa ng Filipino driver sa kanila.
SOOBIN victimized by TAXI DRIVER in cebu
Kinunan ni Soobin ng video ang mahal na paniningil ng pamasahe ng driver.
Ayon sa K-pop idol, hindi in-edit ang eksena para mabigyan ng babala ang ibang mga turistang nagpaplanong pumunta sa Pilipinas.
May English subtitle ang vlog ni Soobin para higit maunawaan ng manonood ang scam na naranasan nila ng kanyang kaibigan nang sumakay sila ng kotse mula sa Cebu International Airport papunta sa hotel na kanilang tutuluyan.
Bago naghanap ng masasakyan, ikinuwento ni Soobin ang payo ng kanyang kapwa TXT member na si Taehyun na minsan nang nagbakasyon sa Cebu.
“Let’s try out Taehyun’s advice. Taehyun’s traveled to Cebu before so we asked him for some travel tips and he told us to just act angry if anyone tries to overcharge you, just start acting angry,” ang isinalin sa Ingles na kuwento ni Soobin.
Walang kamalay-malay si Soobin na magiging biktima siya ng mapagsamantalang taxi driver.
Alam ni Soobin na PHP300 lang ang babayaran nila na pamasahe dahil bago humanap ng sasakyan, sinabi niya, “We know it will be about PHP300. Already checked the estimated taxi fare.”
Pero nang makipag-usap sila sa driver, PHP500 ang sinisingil sa kanila.
Kaya sabi ni Soobin, “But we checked the app and it’s saying only, like, PHP300 .”
Ang mahal at mataas na presyo ng gasolina ang ikinatuwiran ng driver na malinaw na maririnig at mapapanood sa video ang pangingikil na ginawa niya.
Dahil pagod sa biyahe, hindi na nakipagtawaran si Soobin at ang kanyang kaibigan.
Hindi sinunod ni Soobin ang payo ni Taehyun na magpanggap silang galit kapag sinisingil nang mahal.
Read: Kathryn Bernardo at Mark Alcala, spotted sa Thailand airport; Lucena mayor, binabatikos
FROM PHP500 TO PHP1,000 TAXI FARE
Nagulat ang dalawa habang nakasakay na sila dahil PHP1,000 na ang pamasaheng sinisingil ng driver na harap-harapan ang panloloko, kahit sinabi ni Soobin na kinukunan nito ng video ang mga pangyayari.
Ipinagpilitan ni Soobin na PHP500 ang napagkasunduan nilang bayad.
Aniya, “Did you hear that? I’m reporting this. Just now, he said PHP1,000.
“I mean, PHP500 is already pushing it and then he raises it to PHP1000.”

Siniguro ni Soobin na hindi ma-edit ang eksena nila sa loob ng sasakyan at ang nangyari na scam para malaman ito ng kanyang mga vlog subscriber.
Nang makababa sila mula sa sasakyan, ikinuwento ni Soobin na pinilit ng driver na singilin sila ng PHP1,000 dahil PHP500 ang bayad para sa isang pasahero.
Pero nanindigan ang magkaibigan na PHP500 lamang ang kanilang ibabayad dahil ito ang unang sinabi ng scammer taxi driver, na walang kamalay-malay na sikat na Korean artist ang sakay niya.
Lahad ni Soobin: “Once we arrived [at the destination], the driver tried to charge us PHP1,000 again but we told him firmly that we were only going to pay PHP500.
"I can’t believe he’d raise the price so suddenly like that.
"We agreed on PHP500 before getting in. But after we arrived at the hotel, he tried to charge us PHP1,000.”
Sa kabila nito, nanatiling kalmado si Soobin tungkol sa karanasan nila sa kamay ng Pilipinong pinaghihinalaang TNVS driver dahil gumamit ang Korean singer ng mobile app sa paghahanap ng sasakyan na maghahatid sa kanila sa hotel.
At this writing, mayroon nang 139K views ang Cebu adventure ni Soobin.
Read: Wolfgang frontman Basti Artadi ejects heckler at Davao concert; calls him "bastos"