Nakatakda sa susunod na buwan ng Marso ang breast augmentation procedure kay Andrei "Sofia" Trazona, 24, ang trans daughter ng former SexBomb member na si Izzy Trazona.
Ito ang kinumpirma ni Sofia nang makausap siya ng Cabinet Files nitong Martes, Pebrero 24, 2026.
“Magpapa-breast augmentation po, dito lang po sa Pilipinas,” rebelasyon ni Sofia.
Maliit lamang daw ang breast implants na nais niyang ipalagay sa kanyang dibdib.
“E, gusto ko po,” sabi ni Sofia nang itanong ng Cabinet Files ang magiging reaksiyon niya kung pigilan siya ng kanyang ina na magpalagay ng breast implants.
May balak din ba siyang sumailalim sa sex-reassignment surgery?
“Wala pa po,” sagot niya.
Habang kausap ng Cabinet Files ay napansin namin ang kanyang pagiging magalang at hindi nawawala ang "po" at "opo" sa pananalita niya.
Patunay na maayos ang pagpapalaki sa kanya ng kanyang lola at tita.
Read: Sofia Trazona pleads to stepfather Alvin Aragon to stop the hate
SAFIA TRAZONA AS A DRAG PERFORMER
Nagtatrabaho ngayon si Sofia bilang drag performer sa Rampa Drag Club sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.
“Drag name ko po talaga ang Sofia tapos in-adapt ko na lang nung nag-transition na po ako.
“Okay naman po ako inspite of everything,” saad niya.
Kasalukuyang naninirahan si Sofia sa Mandaluyong City.
Napilitan daw siyang huminto sa pag-aaral noong Marso 2020 dahil sa coronavirus pandemic.
“Accountancy po ang course ko pero hanggang first year lang po dahil sa pandemic,” pagbabahagi niya.
Bukas daw si Sofia sa posibilidad na mag-artista.
Payag din siyang isadula sa Magpakailanman ang makulay at kontrobersiyal na buhay dahil hindi matanggap ng kanyang stepfather na si Alvin Aragon ang pagkatao niya.
Tatlong babae ang kapatid ni Sofia sa kanyang ina, pero matagal na raw silang hindi nagkikita kaya matindi ang pangungulila na nararamdaman niya.
Aniya, “Nung lumalaki po sila, nandoon ako, pero ngayon hindi na.
"Miss na miss ko na po sila. Parang three years na po nang huli ko silang makita."
Samantala, napaluha naman si Sofia nang basahin niya sa Fast Talk With Boy Abunda ang sulat ng kanyang amang si Michael Navarro.
Napaiyak si Sofia dahil punumpuno ng pagmamahal ang liham ni Michael, na tanggap na tanggap ang pagkatao niya at suportado ang lahat ng kanyang mga pangarap.
Read: Sofia Trazona reacts to stepdad Alvin Aragon's anti-gay remarks
