Ang Traslacion 2026 na idinaraos tuwing Araw ng Kapistahan ng Itim na Nazareno ang pinakamatagal sa lahat ng nagdaang annual feast na ito sa Pilipinas.
Nag-umpisa ito ng 4A.M. ng Biyernes, Enero 9, 2026; at natapos lamang ito ngayong Sabado ng umaga, 10:49A.M., Enero 10.
Tumagal nang mahigit 30 oras ang Traslacion 2026 na nilahukan ng higit walong milyong deboto ng Itim na Nazareno.

Ang Itim na Nazareno ay ang life-size statue na dinala sa Pilipinas mula sa Mexico noong 1606; at pinaniniwalaang nagbibigay ng himala sa mga nananampalataya.
Gaya nang mga nakaraan na taon, marami ang nasaktan sa Traslacion 2026. May dalawang binawian ng buhay dahil sa atake sa puso.
Read: Rica Peralejo says allegation that she steals tithes is unfounded
TRASLACION 2026: DEBOTONG HINIMATAY AT NAHULOG
Nakunan naman ng video nang mawalan ng malay habang nakasakay sa andas ang debotong si Jeric Carmona San Antonio.

Andas ang tawag sa sinasakyan ng imahe ng Itim na Nazareno.
Marami ang nabahala sa kalagayan ni San Antonio dahil nahulog siya mula sa stretcher na pinaglagyan sa kanya habang nagkakagulo sa paligid ang mga tao na nagpupumilit na makalapit sa santo na gawa sa kahoy.
Maayos na ang kalagayan ni San Antonio.

Sa isang Facebook post, sinabi niya na walang anumang pagsisisi: "Okay na po ako at nagpapahinga din dito sa simbahan.
"Meron talagang hindi inaasahang pangyayari kaya nagkaganun, pero okay naman po ako.
"Kasama na ito sa sa aming sinumpaang tungkulin bilang isang Hijos Del Nazareno. Salamat po sa mga prayers ninyo."

Read: VIRAL: What happened in James Deakin vs. LTO issue?
MCCOY DE LEON, NAKAHALIK SA BLACK NAZARENE
Kabilang ang aktor na si McCoy De Leon sa milyun-milyong Pilipinong lumahok sa Traslacion 2026.
Deboto si McCoy ng Itim na Nazareno kaya taon-taon, naging tradisyon na niya ang sumali sa Traslacion 2026.
Para makatiyak na hindi siya makakaagaw ng atensyon, nagsuot ng sombrero at tinakpan ni McCoy ng tela na may imahe ng santo ang kalahati ng kanyang mukha.
At tulad ng ibang mga deboto, nakayapak o walang suot na tsinelas o sapatos ang aktor habang naglalakad ng kalsada papunta sa kung saan dadaan ang andas sakay ang imahe ng Nazareno.

Lubos ang pasasalamat ni McCoy dahil nagawa niyang makalapit at makahalik sa krus na hawak ng imahe ng Itim na Nazareno.
"Hay… sarap sa pakiramdam. Nakahalik ako sa krus. Thank you Lord. Walang hanggang pasasalamat Poong Nazareno.
"Hindi kita susukuan Poong Nazareno tulad ng hindi mo pagsuko sa akin," ang mga salitang binitiwan ni McCoy sa video na kanyang ibinahagi tungkol sa paglahok niya sa Traslacion 2026.
