Dalawang taon na pagkakakulong ang parusang ipinataw ng Bangkok South District Court kay Anne Jakrajutatip, ang Thai transgender billionaire na dating nagmamay-ari sa Miss Universe Organization.
Ang hatol—na agaran at hindi na dumaan pa sa suspensiyon—ay ibinaba ng korte noong Biyernes, Disyembre 26, 2025.
Napatunayang may sala si Anne sa kasong fraud na isinampa laban sa kanya ni Dr. Raweewat Maschamadol.
Ayon sa mga dokumento ng korte, inakusahan si Anne ng panlilinlang dahil sa maling representasyon at pagtatago ng mga katotohanan.
Sa pagitan ng Hulyo 24 at Agosto 8, 2023, kinumbinsi raw ni Anne si Maschamadol na mamuhunan sa mga corporate bond ng kanyang kompanya, ang JKN Global Group Pcl, kahit na may problema na siya sa pananalapi at pagbabayad sa mga pinansiyal na obligasyon.
Umabot sa 30 million baht o US$ 930,000 ang pagkakautang ni Anne at ng kompanya nito kay Maschamadol.
Read: PEP Troika's Bets: MMFF 2025 Gabi ng Parangal acting awards
Anne Jakrajutatip, HIDING IN MEXICO?
Hindi dumalo si Anne sa araw ng pagbasa ng hatol sa kanya noong Biyernes at walang may alam sa kinaroroonan niya.
Pero may balitang nakaalis na siya sa Thailand at kasalukuyang nagtatago sa Mexico.
Ang Mexican Miss Universe President na si Raul Rocha ang pinaghihinalaang tumulong kay Anne para makarating sa Mexico.
Unang naglabas ng arrest warrant para kay Anne ang South Bangkok Criminal Court noong Nobyembre 25, 2025, matapos nitong mag-no-show sa pagdinig ng kanyang kaso.
Ipinahayag ng korte na ang hindi pagsipot ni Anne ay pahiwatig ng intensyon niyang takasan ang hustisya kaya ipinag-utos ang pag-aresto sa transgender billionaire.

Nakilala si Anne sa buong mundo nang bilhin niya ang Miss Universe Organization sa halagang US$20 million noong Oktubre 2022.
Pero mula nang siya ang mamahala, nasangkot ito sa mga isyu at kontrobersiya ang prestihiyosong pageant.
Ang kasong inihain ni Maschamadol laban kay Anne ang isa sa mga dahilan kaya napilitanng bumaba mula sa puwesto si Anne, na itinuturing ngayon bilang fugitive.