Trigger Warning: Suicide
Burado na ngayong Miyerkules, Nobyembre 19, 2025, ang Facebook post ni Valentine Rosales tungkol sa kanyang mabigat na akusasyong namatay ang kaibigan niyang si Gina Lima dahil sa pambubugbog umano ng boyfriend nitong si Ivan Cezar Ronquillo.
Binura ni Rosales ang kanyang social media post matapos mapaulat na winakasan ni Ronquillo ang sariling buhay.
Read: Ivan Ronquillo, boyfriend of Gina Lima, found dead at home
Damay ang pangalan ni Rosales sa huling Facebook post ng nasawi.
Ibinahagi ni Ronquillo ang screenshot ng mensaheng ipinadala sa kanya ni Rosales noong Lunes, Nobyembre 17.
Nakasaad dito: “Hoyyy!!! Hayup ka!! Ano ginawa mo kay Gina!!! Siraulo ka!!! Hindi ka naawa dun sa Babae! K*p*l ka!
“Magbabayad ka sa kulungan at impyerno dahil sa ginawa mo men!
"T*ngina ka kung gusto mo ng sapakan, tayo ang magsuntukan. Wag ka mananakit ng babae! Ang laki mong tao yun ang gagawin mong punching bag.
"G*g* ka!!! T*ng*na mo! Nagdeactivate ka pa!”
VALENTINE ROSALES DELETED POST
Bukod sa mensahe ng mga pagmumura at pagkondena niya kay Ronquillo, ikinuwento ni Rosales sa Facebook post nito ang kanyang mga saloobin tungkol sa pagkamatay ni Lima.
Kabuuan ng Facebook post ni Rosales: “Unfortunately Facebook has taken down my posts due to bullying and harassment daw but this won’t stop me from exposing you and fighting for the justice that my dear friend Gina Lima deserves!
“She didn’t deserve to perish that way,hindi lang ‘yan ang unang beses kang nagbuhat ng kamay sa babae Ivan Cezar Ronquillo ni abugX2berna mo din yung girl mo before sa may Gside.
"Imagine naka-make up tapos may dugo sa ulo? Hindi makatao yang ginagawa mo nagch-choose ako ng better words kasi baka ma-remove na naman pag nag-real talk tayo pero you need to pay for what you’ve done and face the consequences of your action.
“Tapos pag lalake yung humamon sayo takot ka. Tatanongin mo pa ko kung umalis na? Katangkad-tangkad mong tao tapos yung papatolan mo babaeng petite. Jusko talaga diyos na bahala sayo.”

Pero binura ni Rosales ang kanyang post matapos niyang malaman ang balitang nagpakamatay si Ronquillo.
Read: Who is Ivan Cezar Ronquillo?
NO FOUL PLAY IN GINA LIMA'S DEATH
Noong nabubuhay pa si Ronquillo, pinabulaan nito sa kanyang ama na sinaktan niya si Lima at nanalig siyang mangingibabaw ang katotohanan.
At napatunayang nagsasabi siya ng totoo dahil sa isinigawang imbestigasyon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, lumitaw na cardiorespiratory distress ang ikinamatay ni Lima.
Wala rin silang nakitang anumang senyales na namatay sa sakal o pinigilan ang paghinga ng pumanaw na freelance model.
Ang pahayag ng QCPD-CIDU ang dahilan ng matitinding batikos na natatanggap ngayon ni Rosales dahil sa kanyang mabigat na paratang at pagmumura laban kay Ronquillo.
Pinaghihinalaang dumanas si Ronquillo ng depresyon na epekto ng matinding online bashing kaya pinili niyang tapusin ang sariling buhay.
Read: Police rule out foul play in Gina Lima's sudden death
THE CHRISTINE DACERA CASE
Nakilala ng publiko si Valentine Rosales nang maging biktima ito ng online bashing nang masangkot siya sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera noong Enero 1, 2021.
Nangyari ang insidente sa City Garden Grand Hotel sa Makati City.
Tulad ni Lima, 23 years old si Dacera nang bawian ng buhay.
Naging kontrobersiyal ang pagkamatay ni Dacera dahil sa paratang na inabuso siya. Pero sa autopsy, walang palatandaang sinakal ang biktima.
Gaya ni Lima, wala nang buhay si Dacera nang dalhin sa Makati Medical Center.
Kabilang si Rosales sa mga akusado sa pagkamatay ni Dacera dahil kasama siya sa New Year’s Eve party na ginanap sa naturang hotel.
Naabsuwelto si Rosales at ang ibang mga kasama niya sa kasong homicide dahil napatunayan sa korte na aortic aneurysm ang ikinamatay ni Dacera.
Read: Four respondents in Christine Dacera case face the media; deny rape allegation
Sa kabila ng mariing pagtangging wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Dacera, naranasan ni Rosales na maging biktima ng online bashing.
Tiyak na alam niya ang naging pakiramdam ni Ronquillo na tumanggap ng katakut-takot na batikos at hindi pinaniwalaang wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Lima.
Naging mapanghusga si Rosales at malinaw ito sa mensahe na ipinadala niya kay Ronquillo at sa kanyang Facebook post.
VALENTINE ROSALES ISSUES STATEMENT
Nagpadala ang Cabinet Files ng mensahe kay Rosales para sa panig nito tungkol sa malagim at malungkot na pagkamatay ni Ronquillo.
Hindi pa sumasagot si Rosales sa mensahe ng Cabinet Files, pero naglabas ito ng pahayag sa kanyang Facebook.
Imbes na mapagkumbaba, sinabi niyang biktima rin siya ng misinformation at ibinunton ang sisi sa isang "Kevin Tan."
Nakasaad sa kanyang Facebook post: “Kakagising ko lang and yes, I heard the tragic news, I feel sorry and my deepest condolences go out to both the family of the bereaved to my Bebe Ivan and baby Gina.
“Unang una sa lahat bat ako ang sinisisi ninyo sa pag Su*c*de niya? eh tulad niyo! biktima din ako ng mis-Information dahil kay Kevin Tan ko lang din nalaman na kako binugbog daw ni Ivan si Gina, Which as a friend ang initial reaction ko is galit at poot kaya nag posts ako regarding the information I received.
“Ngayon kayong mga nag-share at nakichismis kaya nag Viral yun ay ang may kasalanan dahil di naman yun kakalat at magiging ingay kung wala din naman naniwala at hindi din niyo shinare ang post kong yun.
“Tulad niyo ay isa rin akong biktima! Sa tingin niyo kanino ko nalaman yung mga details tulad ng cause of death? oras? at hospital? edi sa mutual friends din namin.
“Which is hindi ko na idadamay dahil hindi ako tulad niyo na naghahanap ng sisisihin. tignan niyo nga! humingi ang ABS CBN at GMA news sakin ng mga information. But Since wala pang official reports and autopsy findings hindi ako nag bigay ng statement ko kasi nga hindi naman sakin nangaling ang news na yan at pinaka huli sa lahat Bakit hindi na kita mahanap dito sa FB Kevin Tan?”
Pahabol pa niya sa huli: "Just A Reminder for everyone: Please be kind, you don’t know how much your words and actions can affect someone, emotionally, mentally and physically. Stop negativity."
Read: Who is Gina Lima, Vivamax model who suffered a tragic death?
THE FAKE "STORY TIME" OF VALENTINE ROSALES
Ang pangangatuwiran at pagtutuwid ni Rosales sa kanyang pagkukulang at pagkakamali ay nagpapaalala sa kuwentong inimbento niya noong Marso 2022.
Ipinangalandakan ni Rosales na nasaksihan nito ang pagnanakaw ng isang lalaking kostumer ng tumbler na may mukha ni Ferdinand Marcos Jr., na presidential aspirant noon.
Ayon sa kanya, nangyari ang insidente sa branch ng 7/11 convenience store sa Ali Mall, Quezon City.
Sinabi ni Rosales na nagpakilala siya sa lalaki bilang supporter ni Leni Robredo na kandidato rin noon sa pagka-Pangulo.
Sa kuwento ni Rosales, ipinagmalaki nitong bumili siya ng tumbler ni Robredo at binayaran din niya ang tumbler na ninakaw ng supporter ni Marcos.
March 16, 2022 nang personal na pinuntahan ng Cabinet Files ang 7/11 Ali Mall branch na sinabi ni Rosales na pinangyarihan ng insidente.
Pero ayon sa pamunuan ng mall, matagal nang sarado ang nabanggit na sangay.
Kinausap din ng Cabinet Files ang mga empleyado ng 7/11 sa P. Tuazon Boulevard na malapit sa Ali Mall, pero itinanggi nila ang kuwento ni Rosales na ni minsan ay hindi raw namataan sa kanilang tindahan.
Matapos mapatunayang imbento lamang ang kanyang nag-viral na kuwento, inihingi ni Rosales ng paumanhin ang pagsisinungaling niya.
Saad niya sa kanyang post noong Marso 19, 2022: "Last Sunday, I posted a content regarding 7/11 cup issue, which you know here at TikTok, yung story time. And it went viral for the wrong reasons.
"I received lots of negative comments, na-bash po ako. Sinabihan po ako ng masasamang salita, which, yeah, naapektuhan rin po ako ng mga nabasa ko dahil sa katotohanan nga po, hindi po talaga tama yung ginawa ko.
"I realized my mistakes and hindi po talaga tama yung ginawa ko.”
Ang gawa-gawang kuwento niyang ito ang nagpahamak sa kanya dahil naging kuwestiyonable na ang kredibilidad at integridad niya.
Read: Valentine Rosales issues public apology after viral "story time" post
Ang depresyon ay seryosong usapin. May mga organisasyong handang tumulong sa mga taong dumaraan sa ganitong kondisyon. Katulad na lamang ng National Center for Mental Health na inilunsad ng Department of Health.
Para sa nangangailangan ng tulong, maaring tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at mobile number 0966-351-4518.