Hindi umano sinasadya ng action star na si Jeric Raval ang pag-amin niya tungkol sa pagkakaroon ng dalawang anak ni AJ Raval sa boyfriend nitong si Aljur Abrenica.
“Hindi ko sinasadya yon,” sagot ni Jeric nang usisain ng Cabinet Files tungkol sa pagsagot niya sa tanong ng mga reporter na nakausap niya sa victory party ng Mamay noong Agosto 23, 2025.
Read: Jeric Raval, inaming dalawa na ang apo kina AJ at Aljur
Elizabeth ang tunay na pangalan ni AJ, at Babatong ang palayaw niya.
Ang ginamit na screen name ni Elizabeth ay "AJ," na ang kahulugan ay "Anak ni Jeric."
Babae ang panganay na anak nina AJ at Aljur, pero sa naunang panayam kay Jeric ay sinabi niyang lalaki ang panganay at babae naman ang bunso nila.
Tinanggap ni Jeric ang kanyang pagkakamali at sinabing nalito lamang siya.
Ayon kay Jeric, labinglima na ang kanyang mga apo kaya hindi na niya matandaan kung babae o lalaki ang panganay na anak nina AJ at Aljur.
Parehong letrang A ang umpisa ng mga pangalan ng dalawa nilang anak.
Bilang proteksiyon, nagkusa ang Cabinet Files na huwag nang banggitin ang pagkakakilanlan ng mga bata.
Nagkaroon ng pagkakataon ang Cabinet Files na makausap si Jeric ilang minuto bago nag-umpisa ang panayam sa kanya ng Fast Talk With Boy Abunda ngayong Martes, Setyembre 30, 2025.
Read: Location ng teleserye ni Donny Pangilinan, pagmamay-ari ni Zaldy Co
JERIC'S FAST TALK INTERVIEW
Walang pinagkaiba ang mga sinabi ni Jeric sa Cabinet Files at sa mga pahayag niya sa panayam sa kanya ni Boy Abunda.
Inulit ni Jeric ang kanyang katuwirang hindi niya sinasadyang isiwalat ang pagkakaroon ng anak nina AJ at Aljur.
“Actually, nadulas lang ako noon," sabi ni Jeric.
"Dun sa presscon namin, meron akong kausap. Parang normal lang na kuwentuhan.
"Tapos noong nandoon na ako sa mesa, tinanong na ako.
“Ano ang sasabihin ko? Hindi ko naman puwedeng i-deny.
"Nasabi ko na kanina. Pangit naman, mukha akong sinungaling."
Ano ang reaksiyon nina AJ at Aljur sa kanyang rebelasyon?
"Tinanong lang ako, 'Tatay Eric, may nasabi ka ba sa interbyu mo?'
“'Oo,' kako. Nasabi ko na, e. Anyway, lalabas din yan.
"Sabi ko, yung balita noong una, wala yon. Hindi totoo.
“Yung totoo, yung panahon na hindi naman nababalita, nasabi ko. Nung panahon na hindi naman pinag-uusapan, dun ko naman nasabi.
"Sabi ko [sa sarili], 'Ano ba yan? Ang daldal mo kasi!'" natatawang kuwento ni Jeric.
Pinatotohanan ni Jeric ang masaya at maayos na pagsasama nina AJ at Aljur.
“Okay naman sila. In fact, two nights ago, nandoon ako sa bahay nila sa Angeles City. Okay naman, happy naman sila.”
Read: Ralph Tulfo, may pahayag sa viral P6.7M bill na binayaran sa Las Vegas club