Hindi itinanggi ni Quezon City Second District Representative at Assistant Majority Leader Ralph Wendel Tulfo ang viral video niya na kuha noon pang December 2023.
Ngayon lamang ito naging kontrobersiyal dahil sa isyu ng korapsyon sangkot ang ilang mambabatas, opisyal ng pamahalaan, at mga contractor.
Si Ralph ay anak ng hard-hitting broadcaster at senador na si Raffy Tulfo at ni ACT-CIS Party-List Representative Jocelyn Tulfo.
Tiyo niya ang dating broadcaster at senador ngayon na si Erwin Tulfo, ang vic-chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa mga anomalya sa mga proyekto sa flood control.
RALPH TULFO VIRAL CLUBBING VIDEO
Noong nakaraang linggo, kumalat ang video ni Ralph na tumutungga ng alak mula sa malaking bote habang nagkakasayahan sila ng kanyang mga kasama sa Omnia, ang multi-level nightclub sa Caesar’s Palace, Las Vegas, Nevada, U.S.A.
Mapapanood at malinaw na makikita sa magkahiwalay na videos ng insidente ang pagbabayad at pagpirma ni Ralph sa kanilang mga nagastos.
Ang una ay nagkakahalaga ng USD42,605—o katumbas ng PHP2,473,953.95 sa current conversion,
Ang ikalawa ay USD73,951.64—o katumbas ng PHP4,294.166.22.
Si Ralph mismo ang nagbahagi noon sa Instagram Stories nito ng mga video ng pagdiriwang nila ng kanyang mga kasama sa Las Vegas at ng pagbabayad niya ng bill na may kabuuang halaga na PHP6,768,120.17 (depende sa conversion).
Ang Instagram Stories ni Ralph ang naglagay sa kanyang sarili sa alanganing sitwasyon at nagbigay ng dahilan para batikusin siya ng netizens dahil daw sa magarbo at magastos na pamumuhay niya.
Noong Sabado, Setyembre 27,2025, nagpadala si Ralph ng opisyal pahayag sa Agenda news program.
Humingi siya ng pang-unawa sa nag-viral niyang old video.
Pero nilinaw niyang personal daw na biyahe at wala umanong pondo ng gobyerno na ginamit sa kanyang pagbabakasyon noong Disyembre 2023 sa Las Vegas, Nevada, USA.
Ipinaliwanag ni Tulfo na naghati-hati sila ng kanyang mga kasama sa pagbabayad ng milyun-milyong pisong halaga ng ginastos nila sa nightclub na kanilang pinuntahan at credit card lamang daw niya ang ginamit.
Read: Vice Ganda to corrupt politicians: "P.I. ninyo!"
RALPH TULFO OFFICIAL STATEMENT
Ito ang kabuuan ng paghingi ni Tulfo ng pang-unawa tungkol sa kinasasangkutan niyang kontrobersiya:
"Una sa lahat, ako po ay humihingi ng pang-unawa para sa video na kumakalat online. Ang nasabing video ay kuha sa isang pribadong pagdiriwang noong Pasko 2023.
"Maliban sa kapaskuhan at sa pagsalubong sa taong 2024, may natanggap na magandang balita ang aking mga kaibigan kaya naman kami po ay nagdiwang.
"Bagamat ginamit ang aking credit card, nag-ambagan naman po kaming lahat para sa kabuuang halaga ng ginastos.
"Sa panahong mahigpit ang pagbabantay ng publiko sa paggamit ng kanilang buwis, nais ko lamang pong linawin na ito ay isang personal trip, at wala kaming ginamit na pondo ng gobyerno at pera ng taumbayan.
"Malalim ko pong pinag-isipan at pinagnilayan ito at nauunawaan ko kung bakit masakit para sa mga Pilipino ang mga ganitong uri ng pagdiriwang.
"Ang insidenteng ito’y magsisilbing paalala sa akin na maging maingat at mapanuri, lalo na ngayong sisimulan ko ang bagong yugto ng aking buhay sa pag-aasawa at pagbuo ng sarili kong pamilya.”
Ito ang pangalawang pagkakataon ngayong 2025 na humingi si Ralph Tulfo ng pang-unawa mula sa publiko.
Noong huling linggo ng Enero 2025, inihingi ni Tulfo ng paumanhin ang dalawang insidente, noong Setyembre 26, 2024 at Enero 23,2025, ng illegal na pagdaan ng kanyang sasakyan sa EDSA Busway na para lamang sa mga pampasaherong bus na bumibiyahe sa EDSA.