Para sa ibang netizens, nagpapaawa, inililigtas ang sarili, at pinoprotektahan lamang ang mga personal na interes ang dating ng mahabang pahayag ng pagkondena ng rap artist at fashion designer na si Ellis Co sa mga paratang na korapsyon laban sa kanyang ama—si Ako Bicol Party-List Representative Zaldy Co.
Sangkot ang kongresista sa isyu ng bilyun-bilyong pisong ninakaw umano mula sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng pagkuha ng malaking bahagi ng pondo mula sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Read: Zaldy Co's son Ellis Co speaks out against congressman amid corruption allegations

Sa kabila ng mahabang salaysay at tila paghuhugas-kamay ni Ellis, may mga nagdududa sa tunay na motibo ng pagsasalita niya laban sa ama.
Lumitaw sa imbestigasyon na top shareholder siya sa mga kompanyang pag-aari ng kanilang pamilya.
Ang lumabas na impormasyong ito ang puno’t dulo ng mga negatibong reaksiyon sa paglantad at pagsasalita ni Ellis laban sa sariling ama.
View this post on Instagram
ALBIE CASIÑO SLAMS ELLIS CO
Isa ang aktor na si Albie Casiño, na may Instagram handle na “thestallion09,” sa mga hindi nakapagpigil mag-iwan ng komento sa Instagram post ni Ellis.
Walang pag-aalinlangang sinabi ni Albie: “Your music sucks your fashion sense sucks you and your family all suck.”

May kinalaman ang reaksiyon ni Albie sa rap songs ni Ellis na inilunsad nito noong Pebrero 2022—na may mga pamagat na "Big Money," "Black Lexus," at "Shangri-La"—at sa pag-aari niyang clothing brand company, ang Dot ARCHIVE.
Read: Titulo ng mga kanta ni Ellis G, anak ni Zaldy Co, sumasalamin sa lavish lifestyle
Ilang oras bago naglabas si Ellis ng pahayag ng pagkondena sa gawain umano ng kanyang ama, nauna nang ibinahagi ni Albie sa Instagram Stories nito ang artikulo ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa pagiging rap artist ng anak ng kongresista.
At nang buksan ni Ellis ang Instagram account nito para mabasa ng publiko ang saloobin niya tungkol sa kanyang ama, nakakita si Albie ng pagkakataon para malaman din ng taumbayan ang kanyang kinikimkim na poot dahil sa bilyun-bilyong pisong ninakaw mula sa sambayanang Pilipino.
Tatlong taon na ang nakalilipas mula nang ilunsad ni Ellis ang kanyang rap songs na "Black Lexus," "Big Money," at "Shangri-La."
Nagmistulang si Nostradamus si Ellis dahil sa pamamagitan ng pamagat ng mga kanta nito, nahulaan niya ang pagkakadamay ng kanyang ama sa kasumpa-sumpang korapsyon—ang malaking perang sangkot, at ang lugar na pinagdalhan ng bilyong salapi—tatlong taon bago sumambulat ang eskandalo.
Read: Revilla, Estrada, Villanueva, Co tagged by ex-DPWH official Henry Alcantara