Matitinding batikos at masasakit na salita ang tinatanggap ng aktor at Quezon City First District representative na si Arjo Atayde.
Ito'y mula nang isiwalat nina Sarah at Curlee Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee inquiry noong Setyembre 8, 2025, na kabilang diumano si Arjo sa mga kongresista at Department of Public Works and Highways officials na tumanggap ng porsyento mula sa flood control projects na nakuha ng kanilang mga kumpanya.
Idinawit din ng mga Discaya ang ama ni Arjo na si Art Atayde, na siya umanong tumanggap ng pera para sa mambabatas.
Read: Arjo Atayde, PM Vargas, Roman Romulo deny Discaya allegations
Mariing pinabulaanan ni Arjo ang mabigat na paratang sa kanya, at ipinagtanggol din siya ng kanyang misis na si Maine Mendoza kaya nadamay ito sa mga kritisismo.
Read: Maine Mendoza: Arjo Atayde not capable of stealing people's money
RELIEF OPERATIONS IN QUEZON CITY
Sa gitna ng mga alegasyon at batikos laban sa kanya, nagsagawa si Arjo ng relief operations sa mga residente sa ilang lugar sa Quezon City.
Ibinahagi ni Arjo sa kanyang official Facebook page nitong Sabado ng gabi, Setyembre 20, 2025, ang ilang mga larawan ng kanyang pagpunta sa mga barangay ng Paltok, Talayan, Sto. Cristo, Sitio San Isidro, Bagong Pag-asa, at Project 6.
Ang mga nasabing barangay ay kabilang umano sa flood-prone areas sa Quezon City.

Nakasaad sa Facebook post ni Arjo: “Sa kabila ng nagdaang matinding pagbaha, tiniyak ni Cong. Arjo Atayde na makarating ang tulong sa bawat pamilyang nangangailangan—lalo na sa mga hindi nakalikas at nanatili sa kanilang mga tahanan.
“Ngayong araw, isinagawa ang relief distribution para sa mga residente ng Barangay Paltok.
"Sa bawat pagkakataon, ipinapakita ni Cong. Arjo na ang tunay na serbisyo ay walang hangganan—lagi siyang handang magbigay ng higit pa.”
Sa comments section ng post ay ipinahayag ng mga tagasuporta ni Arjo ang kanilang patuloy na suporta sa actor-politician sa gitna ng mga alegasyon dito.
Sa kabilang banda, hindi rin nawawala ang mga negatibong komento mula sa mga taong kumbinsidong may katotohanan ang akusasyon laban sa kanya ng mga Discaya.