Hindi pa naglalabas ng pahayag si Nadia Montenegro tungkol sa mabigat na paratang na siya ang female staff member ni Senator Robin Padilla na diumano’y naaktuhang gumagamit ng marijuana sa ladies' comfort room sa 5th level ng Senado noong Agosto 12, 2025.
Tanging ang incident report na isinumite ni Victor Patelo ng Legislative Service Office ang ginamit na basehan ng mga ulat na itinanggi ni Nadia ang bintang laban sa kanya.
Nakasaad sa isang bahagi ng incident report ni Patelo: “Ms. Montenegro denied smoking inside the ladies’ comfort room or using marijuana for that matter, but acknowledged possessing a vape in her bag, which she said could have produced the unusual scent reported earlier by Senator Lacson’s staff.”
Read: Nadia Montenegro, staff of Senator Robin Padilla, denies using marijuana in the Senate
NADIA AND BARON'S DAUGHTER CELEBRATES 19TH BIRTHDAY
Ang kontrobersiyal na usaping kinasasangkutan ni Nadia ang higit na napag-uusapan kesa sa pagdiriwang ng ika-19 kaarawan ni Sophia, ang anak nila ni Baron Geisler.
Ibinahagi ni Nadia sa Facebook page niya ang salu-salong naganap noong Agosto 13 bilang selebrasyon ng kaarawan ni Sophia.
Magkakasama sa larawan sina Nadia, Sophia, Baron, at ang asawa ng aktor na si Jamie — patunay na maayos at maganda na ang kanilang relasyon.
Sa isang panayam kay Nadia noong Mayo 2025, kinumpirma niyang nasa pangangalaga ni Baron si Sophia mula pa noong Pebrero 2025 bilang paghahanda ng kanilang anak sa pagpasok nito sa kolehiyo.
Binanggit din ni Nadia na maayos na ang relasyon nila ni Baron.
Positibo itong balita dahil magkatuwang na sila sa pagiging magulang ni Sophia.
Read: Nadia allows daughter Sophia to talk to dad Baron Geisler
Larawan ng isang masayang blended family ang mga photos ng 19th birthday celebration ni Sophia na ibinahagi ni Nadia.
Pero sa kasamaang-palad, nalambungan ito ng isyu ng mabigat na akusasyon ng diumano’y paggamit niya ng marijuana sa lugar na nasasakupan ng Senado kaya nakatatanggap siya ngayon ng mga batikos.