Hindi lamang ang mga pangalan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sabrina M. ang nabanggit ni Vice Ganda sa mga birong binitiwan nito sa Super Divas, ang two-night concert nila ni Regine Velasquez sa Araneta Coliseum noong Agosto 8 at 9, 2025.
Nabanggit din ng comedian-TV host ang Kapuso actress na si Manilyn Reynes, ang kumanta ng 1990’s hit song na "Pangako."
Ang asawa ni Regine na si Ogie Alcasid ang may likha ng "Pangako," at binanggit ito ni Vice sa pag-uusap nila ni Regine sa concert.
Read: NETIZENS REACT: Vice Ganda's Duterte joke at concert
“Hindi para sa yo, para kay Manilyn. Huwag kang assuming," sabi ni Vice kay Regine.
Ibinaling naman ni Vice ang kanyang atensiyon kay Ogie, na nasa audience.
Sabi nito sa It's Showtime co-host: “Para kay Manilyn, aminin mo, si Manilyn ang amats mo dati o, di ba?
“Kaya tingnan mo, konti na lang ito, pa-Manilyn na din ito. Ang laki, e,” sabay turo at muwestra sa hugis ngayon ng katawan ni Regine.
Hindi binigyang-pansin ni Regine ang biro ni Vice.
Nang kantahin ni Regine ang ilang linya ng "Pangako," nagsalita si Vice ng: “Tingnan mo. Inangkin mo. Original ni Manilyn yan, e.
“Nung kinanta mo, ayun, tingnan mo si Manilyn.
"Sabi niya, ‘Naku, magba-Bubble Gang na lang ako… magpe-Pepito Manaloto na lang ako. Ayoko nang kumanta, sa Pepito na lang ako mag-concentrate,' sabi niya.”
Read: Sabrina M. cries foul over Vice Ganda's joke about her dark past
MANILYN REYNES'S WEIGHT LOSS JOURNEY
Pagtataka at pagkagulat naman ang nagrehistro sa mukha ni Manilyn nang malaman nito ang pagkukumpara na ginawa ni Vice sa Super Divas tungkol sa hugis ng mga katawan nila ni Regine.
Pero kung makikita ngayon ni Vice si Manilyn nang personal, siya mismo ang magsasabing malaki na ang ipinayat ng actress-singer na binansagan noon bilang "Star of the New Decade."
“Thirty pounds,” nakangiting sagot ni Manilyn nang itanong ng Cabinet Files ngayong Miyerkules, Agosto 13, 2025, ang timbang na nabawas sa kanyang katawan mula nang magpasya siyang magpapayat.
Ikinuwento ni Manilyn na halos isang taon ang tumagal bago niya nakita ang resulta ng mga pagpupursigi niyang magbawas ng timbang sa pamamagitan ng wastong pagkain.
Lahad niya: “Nagpapayat ako hindi dahil sa hinihingal ako. Parang nararamdaman ko lang na iba na ang stamina ko, lalo na kapag nagbo-boxing ako.
“So, bukod sa pinipili ko ang kinakain ko, naglalakad kami ni Aljon [Jimenez, her husband] tuwing umaga.
"At kapag hindi namin ito ginagawa, naglalakad kami sa hapon kahit thirty minutes lang.
“Pero bad girl ako minsan dahil paborito kong kumain ng tuyo, ginamos, at saka ng tutong ng sinaing.”
Puwedeng maging inspirasyon si Manilyn ng mga nagnanais pumayat dahil bukod sa physically fit, nawala ang double chin niya, lumiit ang mukha, at lalong bumata ang kanyang hitsura.
Read: Duterte grandson rejects calls to ban Vice Ganda in Davao City