Ngayong Lunes, Agosto 4, 2025, ang unang anibersaryo ng pagpanaw ni Lily Monteverde, higit na kilala sa tawag na Mother Lily, ang iconic producer ng Regal Entertainment Inc.
Pumanaw si Mother Lily sa edad na 84 noong August 4, 2024.
Ibinurol siya sa Valencia Events Place sa Valencia St., Quezon City, isang makasaysayan na lugar dahil dito ginaganap ang press conference ng mga pelikula ng movie outfit na itinatag ng Regal matriarch noong dekada ‘60.
Ginagamit din ang Valencia Events Place sa mga eksena ng pelikula at TV series ng Regal.
Read: Who is Mother Lily Monteverde?
Nauna nang ginunita ng pamilya ni Mother Lily ang unang anibersaryo ng pagkamatay ng kanyang asawa, si Leonardo Monteverde aka Father Remy, noong nakaraang Martes, Hulyo 29.
Halos isang linggo lamang ang pagitan ng magkasunod na pagpanaw ng Monteverde couple.
Bilang paggunita sa anibersaryo ng kamatayan ni Mother Lily at pagbababang-luksa ng pamilya niya, isang banal na misa ang magaganap ngayong hapon na inaasahang dadaluhan ng lahat ng mga nagmamahal sa kanya.
Read: GMA Gala 2025 Awards: BreKa wins Couple of the Night
END OF AN ERA
Itinuring na “end of an era” ang pagkawala ni Mother Lily dahil sa malaki at hindi matatawarang kontribusyon niya sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Bukod sa contract stars na pinasikat ng Regal Films, mananatiling bahagi ng kasaysayan ng Philippine movie industry ang mga hindi malilimutang pelikula ng kompanya ni Mother Lily.
Kabilang dito ang Sister Stella L., City After Dark, Relasyon, Scorpio Nights; at ang mga franchise ng Mano Po at Shake, Rattle & Roll.
Noong 2019, sinimulan na ang paghahanda ng direktor na si Erik Matti sa Mother, ang kuwento ng makulay na buhay ni Mother Lily na isasalin sa pelikula at pagbibidahan ni Judy Ann Santos.
Pumayag si Mother Lily na isapelikula ang kuwento ng kanyang buhay na isang milestone movie.
Pero nagkaroon ng pandemya noong 2020 kaya hindi natuloy ang proyektong star-studded sana dahil sa dami ng mga artistang kanyang pinasikat at natulungan.