Overtime ang blue carpet program ng GMA Gala 2025 na ginanap ngayong gabi, Agosto 2, 2025, sa Manila Marriott Hotel, Pasay City.
Star-studded at isang libo ang bilang ng mga imbitado na bisita.
Sina Janeena Chan, Martin Javier, at Tim Yap ang mga host ng blue carpet program na nag-umpisa ng 5:30 P.M.
Paulit-ulit ang kanilang pagsasabi na 7:30 P.M. magsasara ang daloy ng pagdating ng bisita sa blue carpet, dahil by that time ay full swing na ang program sa ballroom.
Pero hindi ito nasunod dahil sa dami ng mga artistang dumalo.
Pasado 9 P.M. na nang matapos ang blue carpet program.
Si Vice Ganda ang pinakahuli sa mga naglakad sa blue carpet at kasunod siya ng kanyang It’s Showtime family—sina Anne Curtis, Ryan Bang, Jhong Hilario, at Ogie Alcasid.
Grand entrance si Ai-Ai delas Alas na hindi kaagad nakilala dahil sa kanyang kasuotang may hoodie.
Gumamit din siya ng oversized eyewear na gawa ng Pam Okefee Couture sa Los Angeles, California.
Nakasulat sa mahabang train ng kapa ni Ai-Ai ang lahat ng pamagat ng kanyang mga pelikula at television shows.
Magkasunod na naglakad sa blue carpet sina Ai-Ai at Carla Abellana.
Ayon sa Comedy Queen, “Hindi kami magkasya dahil malalaki ang damit namin.”
Makasaysayan ang red gown na ginamit ni Yasmien Kurdi sa GMA Gala dahil ito rin ang kanyang kasuotan sa grand finals ng StarStruck Season 1, na idinaos noong February 1, 2004 sa Araneta Coliseum.
Pinasalamatan ni Yasmien ang fashion designer na si JC Buendia dahil ito ang gumawa ng kanyang 21-year-old red gown.
Ngayong Sabado, Agosto 2, ang ika-45 na kaarawan ni Dingdong Dantes na binibiro dahil parang grand birthday celebration niya ang GMA Gala.
Sagana sa numero 5 ang ika-45 na kaarawan ni Dingdong na ipinagdiriwang niya sa 2025 at sa ika-75 taon na anibersaryo ng kanyang home network, ang GMA-7.
Hindi kumpleto ang blue carpet program kapag walang boo-boos o embarrassing mistake ang mga host.
Isa na rito ang pagpapakilala ni Martin kay Ahron Villena bilang Arron Villaflor at ni Tim kay Ashley Rivera bilang Ashley Ortega.
Nagbibiro lamang si Tim nang ikumpara nito sa kurtina ang kasuotan ng isa sa mga bisita.
Pero para sa mga nakapanood, hindi nakakatuwa ang kanyang binitiwang salita dahil offensive ito sa taong tinutukoy niya.