Masayang-masaya si Ashtine Olviga dahil sa loob lamang ng dalawampu’t apat na oras umani agad ng 12 million views ang teaser ng Minamahal: 100 Bulaklak Para Kay Luna, ang launching movie ng AshDres loveteam nila ni Andres Muhlach.
Mula sa panulat at direksyon ni Jason Paul Laxamana ang Minamahal. At ayon kay Ashtine, nakakaramdam ito ng pressure sa kabila ng kaligayahan na kanyang nararamdaman dahil bida na siya sa pelikula.
"Masarap ho sa pakiramdam kasi hindi po namin ine-expect na tatanggapin na ganoong kalaking views ang makukuha namin, pero at the same time, may naramdaman po ako na pressure.
"Parang ang taas-taas ng expectation ng mga tao at para sa akin, kailangan ko maabot ‘yon.
"Pero pinipilit ko na huwag mag-focus sa pressure na nararamdaman ko ngayon. Mas gusto kong mag-focus sa kung paano ko maipararamdam sa kanila kung ano man po yung nararamdaman ng karakter," ang pahayag ni Ashtine.
Nakausap ng Cabinet Files si Ashtine bago siya umakyat sa entablado para sa takeover ng Viva One at Viva Beauty na naganap nitong Linggo, Hulyo 6, 2025, sa Market! Market!, Taguig City.
ASHTINE OLVIGA ON FIRST LEAD ROLE IN A MOVIE
Nang itanong ng Cabinet Files ang reaksyon niya dahil bida na siya sa pelikula matapos ang matagal na paghihintay, ang sagot ni Ashtine, "Hindi pa po nagsi-sink sa akin. Hindi ko napi-feel na, 'Ay, bida na ako sa pelikula.'"
"Parang wala akong naiisip na ganoon. Nagiging thankful lang ako kasi ngayong lead role ang nakuha ko, mas marami po ang suporta at pagmamahal ang natatanggap ko."
Hindi itinanggi ni Ashtine na minsan nang pumasok sa isip niya ang sumuko dahil sa matagal na paghihintay na mabigyan ng mga proyekto, pero nakatulong ang kanyang pananalig at taimtim na pagdarasal sa Panginoong Diyos.
"Nasa acceptance stage na ako na okay lang kung hindi para sa akin. Alam ko kasi na kapag pinilit mo yung hindi para sa 'yo, nakuha mo, pero hindi ka naman magiging masaya.
"Ang pag-aartista lang ang gusto kong gawin. Pero nagdasal ako na kung hindi ito ang para sa akin, alisin ni Lord yung desire sa puso ko, tapos palitan na lang Niya ng iba. Ngayon po sobrang overwhelming lang talaga."
ASHTINE OLVIGA HUMBLE BEGINNINGS
Noong aspiring singer pa lamang siya sa edad na 16 at miyembro ng UGG (U Go Girls) ng Viva Records, unang naranasan ni Ashtine na magkaroon sila ng pagtatanghal sa Market! Market! kaya may espesyal na puwang sa puso niya ang naturang mall.
"Naalaala ko ang first mall show ko, dito sa Market! Markket!
"Isa po ito sa mall show na nagawa ko noon with my first group, UGG, kaya super happy ako ngayon.
"Yung experiences ko before, yun po ang nag-mold sa akin kung ano ako.
"Nung nagma-mall show po ako, hindi po talaga ako makapaniwala kasi dati, parang nahihiya ako.
"Kapag darating kami, haharangan at napapalibutan kami ng security. Sabi ko,'Huwag na. Okay lang, hindi naman kami pinagkakaguluhan kaya nahihiya ako.'
"Pero ngayon, grabe, hindi ako makapaniwala na pumunta sila ngayon dito para sa amin. Tinitilian kami, pinapanood kami," ang pagbabalik-tanaw ni Ashtine sa nakaraan.
Napatunayan ang kasikatan na tinatamasa ngayon ni Ashtine dahil sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mga tagahanga niya na dahilan ng pag-alingawngaw ng malakas na tilian at palakpakan sa loob ng Market! Market!
Hindi na uubra ang sinabi noon ni Ashtine na huwag na itong paligiran ng mall security personnel dahil hindi naman siya pinagkakaguluhan.