Fourth runner-up sa 9th Mister Supranational ang Philippine representative at civil engineer na si Kenneth Cabungcal.
Naganap ang gabi ng koronasyon ng 9th Mister Supranational noong Sabado, Hunyo 28, 2025, sa Strzelecki Park Ampitheater ng Nowy Sacz, Poland.
Isang araw ito, matapos ang 16th Miss Supranational na idinaos din sa naturang lugar, kunsaan hinirang na third runner-up ang Philippine candidate na si Tarah Valencia.

Read: Mga kandidatang may dugong Pinoy, wagi sa 16th Miss Supranational
Tungkol sa greatest source of inspiration sa buhay ang tanong kay Kenneth sa Q&A segment ng 9th Mister Supranational at ang kanyang mga magulang ang sagot niya.
“Oh, that’s simple,” reaksyon agad ng 25-year-old Philippine bet. “My parents are both fish vendors, and one of the reasons why I am standing here and working so hard is because I want to build them a better future.
“And I know that someday, I can build their future house and everything that they want, and I hope that someday I can make them proud.”
Hindi baguhan si Kenneth sa pagsali sa international male beauty pageants dahil siya ang naging kinatawan ng Pilipinas sa 6th Man of the World na ginanap noong Hulyo 26, 2024, sa Winford Hotel, Manila.
Si Sergio Alejandro Azuaga ng Venezuela ang nagwagi ng 6th Man of the World title at si Kenneth ang first runner-up niya.
Si Swann Lavigne ang appointed candidate ng Mister National France organization at siya ang nanalong 9th Mister Supranational.

Kapalaran ni Lavigne na iuwi ang korona dahil ipinalit lamang siya kay Jeremy Canizares.
Si Canizares ang nanalong Mister Supranational France noong Abril 2025 pero ibinalik niya ang titulo sa Mister National France organization dahil ang trabaho ang kanyang pinili.
First runner-up sa 9th Mister Supranational si Zuemerik Veeris ng Curacao, si Mauricio Calvo ng Mexico ang second runner-up, at si Michael Mazi ng Nigeria ang third runner-up.