Ngayong Lunes ng gabi, Hunyo 16, 2025, nagsimulang umere ang Encantadia Chronicles: Sang’gre, ang fantasy series ng GMA-7 na pinangungunahan nina Bianca Umali, Angel Guardian, Faith da Silva, at Kelvin Miranda.
Kaba ang nararamdaman ni Faith dahil sa wakas ay mapapanood na ang Sang’gre na rason kaya ilang linggo na siyang hindi nakakatulog nang maayos.
“Ilang weeks na akong hindi nakakatulog at kinakabahan. Inisiip ko ang mga eksena ko pero dinala ako ni Lord doon, di ba,” reaksyon ni Faith.
Read: Gabby Eigenmann, nagsilbing "sounding board" ng Sang'gre cast
Hindi naman maintindihan ni Bianca ang kanyang pakiramdam.
“I don’t know what to feel," pahayag ni Bianca sa Cabinet Files pagkatapos ng guesting nila sa Fast Talk With Boy Abunda ngayong araw.
"Sabi ko nga, ayokong maniwala na eere na. I think it’s parang because of the two years na na-move nang na-move.
“We even heard it almost got shelved. Now, hindi mo siya papaniwalaan hangga’t sa talagang umeere na siya sa TV.”
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na naantala ang pagpapalabas ng Sang'gre dahil sa ilang problema, kabilang na ang pagpapalit ng direktor nito.
Pinalitan nina Rico Gutierrez at Enzo Williams ang oroginal director ng serye na si Mark Reyes.
Read: Rico Gutierrez, Enzo Williams replace Mark Reyes in Sang'gre
SANG'GRE VIEWING PARTY
Sabay-sabay na nagdasal sina Bianca, Faith, Kelvin, at Angel bago sila sumalang sa panayam sa kanila ni Boy Abunda.
Kung nagpa-botox agad si Rhian Ramos kay Dra. Vicki Belo nang matapos ang taping ng Sang’gre na tumagal ng dalawang taon dahil palaging galit siya sa kanyang mga eksena, “lumamon” naman daw ang apat na Sang’gre.
Sama-samang panonoorin ng cast at production staff sa Cinema 76 sa Quezon City ang pilot episode ng Sang’gre.
Pagkatapos ng viewing party sa Cinema 76, didiretso ang lahat sa bahay ni Sam Verzosa sa Corinthian Gardens, Quezon City para sa after-party na inihanda ng Dear SV host bilang suporta niya sa programa at sa kanyang girlfriend na si Rhian.
SANG'GRE THEME SONG
Incidentally, muling maririnig sa mga eksena ng Sang’gre ang "Tadhana," ang original theme song ng Encantadia na inawit ni Bayang Barrios.
Si Julie Anne San Jose ang kumanta ng "Bagong Tadhana," ang original theme song ng Sang’gre.
Nakapanghihinayang na hindi natuloy ang planong pagsasanib-puwersa nina Bayang at Julie Anne sa pagkanta ng "Tadhana" at "Bagong Tadhana."