Magaganap sa Lunes, Hunyo 9, 2025, ang grand homecoming parade ni Christine Juliane “CJ” Opiaza, ang unang Pilipina na nagwagi na Miss Grand International.
Ito ay matapos bawiin ng Miss Grand International Organization ang korona mula kay Rachel Gupta ng India.
Si CJ ang first runner-up sa Miss Grand International 2024 na idinaos noong Oktubre 25, 2024 sa Bangkok, Thailand.
Isinalin sa kanya ang korona dahil sa mga kontrobersyal na isyu na kinasasangkutan ni Gupta, na iginiit na ito ang kusang bumaba mula sa puwesto niya.
Magsisimula sa ganap na alas-kuwatro nang hapon ang homecoming parade ni Opiaza sa SM Mall of Asia, Pasay City.
Makakasama niya ang Miss Grand International Organization president at founder na si Nawat Itsagrisil na nakatakdang dumating sa Pilipinas sa Lunes, Hunyo 9.
Inaanyayahan ng Miss Grand International Organization ang mga Pilipino na bigyan ng mainit na pagsalubong si Opiaza.
Apat na buwan na lamang na manunungkulan si CJ bilang Miss Grand International 2024 dahil kokoronahan sa Oktubre 18, 2025 ang pagpapasahan niya ng korona.
Ilang araw bago ang grand homecoming parade ni Opiaza, nag-anunsyo si Itsagrisil ng pagbabago sa age requirement ng mga nagnanais na sumali sa kanyang itinatag na patimpalak.
Para sa Miss Grand International 2025, 18 hanggang 35 years old na ang tatanggaping edad ng mga kababaihang nagnanais sumali sa pageant.
Ang dating age requirement ay 17-30 years-old.
Dahil sa mas pinalawak na age bracket, nagkaroon ng mga haka-haka na sasali sa Miss Grand Philippines si Gazini Ganados, ang Bb.Pilipinas-Universe 2019 winner na 29 ang edad sa kasalukuyan.
Nadagdagan naman ang mga kontrobersya sa Miss Grand International 2024 dahil sa pagbibitiw ni Safiétou Kabengele ng France at sa dethronement ni Thae Su Nyein ng Myanmar.
Si Safiéto ang third runner-up sa Miss Grand International 2024; at nagbitiw siya noong Hunyo 6 dahil hindi niya matanggap ang panghihiya at personal na pag-atake na ginagawa ni Itsagrisil kay Rachel.
"I will always stand on the side of women’s rights and far away from any form of humiliation towards them.
“I was never just a title. I am the voice. I am the impact. I am the legacy,” ang paliwanag ni Safiéto tungkol sa kanyang resignation bilang third runner-up ng Thailand-based international beauty pageant na hindi nawawalan ng mga isyu at intriga.
Nauna nang na-dethrone noong Oktubre 2024 bilang second runner-up si Thae Su Nyein dahil sa paratang na hindi niya pagsunod sa mga patakaran na ipinatutupad ng Miss Grand International Organization.
Sa ngayon, si CJ at ang 4th runner-up na si Talita Hartmann na lamang ang mga natira sa mga nagwagi sa Miss Grand International 2024 dahil sa mga nangyari kina Gupta, Kabengele at Thae Su Nyein.