Inaasahan ang pagbaba ni Anne Jakrajutatip mula sa puwesto bilang CEO ng Miss Universe Organization.
Kasunod ito ng pagbibitiw nito sa lahat ng posisyon niya sa JKN Global Group Public Company Limited dahil sa mga reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa kanya.
Ngayong Biyernes, Hunyo 6, 2025, naghain ng abiso ang JKN Global Group Public Company Limited tungkol sa pagbibitiw ni Jakrajutatip at ng mga direktor ng kanyang pinamumunuang kompanya.
Nakasaad dito: “The Company would like to inform you that Jakkaphong Jakrajutatip and Pimauma Jakrajutatip have submitted their resignation letters to the Company, resigning from their positions as directors, subcommittee members, and executives of the Company, effective from June 5, 2025, onwards.”
Read: Nawat Itsaragrisil acquires MU Thailand franchise for PHP309M
SEC FILES CASE AGAINST ANNE JAKRAJUTATIP
Naghain ng reklamo ang SEC sa Department of Special Investigation laban kay Jakrajutatip at dalawang opisyal ng JKN dahil sa bintang na mga maling pagdeklara, hindi kumpleto, at hindi tumpak na accounting records sa 2023 annual financial statements ng kompanya.
Sa ginawang imbestigasyon ng SEC, natuklasan ang mga kahina-hinalang transaksiyon ng JKN tulad ng duplicate licensing purchases at unexpired rights noong 2024.
Kinukuwestyon din ng SEC ang mga purchase order ng JKN na hindi tunay, hindi kumpleto ang accounting records, at licensing documentation na hindi tumutugma sa auditor verification data.
Read: Anne Jakrajutatip nahaharap sa panibagong US$28.3M embezzlement case
Bukod sa mga nabanggit na problema, nalaman ng SEC ang financial discrepancies sa licensing assets ng JKN na biglang tumaas pero hindi tugma sa licensing revenue at trade receivables.
Natuklasan din ng SEC na, diumano, gumawa si Anne at ang tauhan nito ng pekeng creditor at debtor accounts sa 2023 financial statements at Q1 2024 documents ng JKN.
Mabibigat ang paratang laban kay Anne at sa mga direktor ng JKN Global, na dumaranas ng financial crisis mula pa noong Setyember 2023.
Hindi nila mabayaran ang stock loan kaya napilitan silang ibenta nang maraming beses ang kanilang stock shares.
Si Anne ang nagmamay-ari ng Miss Universe Organization mula pa noong Oktubre 2022.
Hindi na siya nawalan ng problema sa pananalapi at palaging nasasangkot sa mga kontrobersiya buhat nang pakialaman niya ang pagpapalakad sa itinuturing na pinaka-prestigious beauty pageant sa buong mundo.
Read: Miss Universe owner Anne Jakrajutatip calls out reports saying she filed for "bankruptcy"