Ngayong Miyerkules, Hunyo 4, 2025, ang unang anibersaryo ng kamatayan ng ama ng character actor na si Tanjo Villoso.
Pumanaw ang ama ni Tanjo na si G. Joseph Villoso, sa edad na 61, dahil sa atake sa puso.
Nalulungkot si Tanjo dahil hindi na mapapanood ng kanyang sumakabilang-buhay na ama ang Mercy For None, ang South Korean drama series na nakatakdang ipalabas sa Netflix simula sa Hunyo 6.
Read: Filipino actress, tampok sa Netflix series na Secrets We Keep
Siya ang nag-iisang Pilipino na kasali sa cast sa drama series na pinagbibidahan ng popular Korean actor na si So Ji Sub.
Okur ang pangalan ni Tanjo sa Mercy For None; at siya ang pumatay sa kapatid ng karakter ni So Ji Sub.

Lahad ni Tanjo sa Cabinet Files: “Ako lang po ang Pinoy sa cast.
"I am the gangster leader na walang kinatatakutan, kahit sino kaya nagrebelde nang husto ang karakter ni So Ji Sub.”
Napasakamay ni Tanjo ang papel ni Okur dahil sa kanyang pagsali sa online audition, at siya ang pinalad na pinili ng South Korean production.
Tinanong niya ba ang production staff kung bakit siya ang napili para sa role ng gangster leader?
Sagot ng 42-year-old actor: “No time na po para magtanong ako sa kanila dahil I am so excited for my role.
"Saka na-feel ko sa kanila ang importansiya ko dahil sa pag-aasikaso nila sa akin. Dun pa lang, panalo na po ako.
“I feel so blessed dahil birth month ko ngayon.
"Halo-halo ang emotion ko kasi first death anniversary ng dad ko. Hindi man lang niya napanood ang project ko.
"Pero noong nasa South Korea ako, buhay pa siya.”
Read: Dolly de Leon, Jon Jon Briones join Netflix's Avatar cast
THE AUDITION PROCESS
Ang manager ni Tanjo na si Ruby Brillo Cuevas ang nagbigay sa Cabinet Files ng mga impormasyon tungkol sa mga pinagdaanan ni Tanjo bago nito nakuha ang role.
Saad ni Cuevas: “He auditioned in September 2023. He got accepted November 2023 kaya inayos ang papers niya.
"He flew to South Korea on December 23, at first time niyang naka-experience ng winter.
“He met with the director, Choi Sung-eun, for scriptreading. He was so nervous pero may translator naman sila.
"It’s a big project, at sa June 6 ang worldwide release sa Netflix ng Mercy For None.”
Nag-umpisa ang acting career ni Tanjo bilang stuntman.
Napanood siya sa mga Pinoy series na Incognito, Darna, at Dirty Linen; at Hollywood series na Almost Paradise.
Lahad pa ng kanyang manager: “Nagsimula si Tanjo bilang stuntman.
"Pinagsikapan niyang maging malalim ang akting niya kaya napansin siya ng mga direktor na sina Pedring Lopez, Dan Villegas, at Erik Matti.
“The Korean production was impressed with him. Nung last taping day niya, they surprised him with a bouquet of flowers.”
Tuwang-tuwa naman si Tanjo nang abutan siya ng bouquet of flowers ng direktor nilang si Choi, dahil noon lamang daw niya naranasang makatanggap ng bulaklak.
Kuwento ng Pinoy actor: “Si Direk Choi po ang nagbigay sa akin ng flowers after the shoot.
"Noon ko lang naranasan yung ganyan, bibigyan ka ng flower after the shoot.
"Dito kasi sa Pilipinas, alam naman po natin kung sino lang ang binibigyan ng flowers."
Iniuwi raw ni Tanjo sa Pilipinas ang mga bulaklak at ibinigay sa kanyang ama noong nabubuhay pa ito.
Walang naiisip na pabuya sa sarili si Tanjo dahil sa partisipasyon niya sa Mercy For None.
“As of now, wala po ako maisip na reward kasi, until now, I can’t believe na kasama ako sa Mercy For None.
"Saka hindi ko pa po napapanood ang mga eksena ko."