Hindi makapaniwala ang journalist at Kamuning Bakery owner na si Wilson Lee Flores na tatangkilikin at magiging mainit ang pagtanggap ng mga tao sa Pan de Nora, ang tinapay na mabibili sa kanyang 86-year-old bakery.
Ginawa niya ito bilang parangal sa Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor, na sumakabilang-buhay sa edad na 71 noong Abril 16, 2025.
Ginunita ang ika-72 kaarawan ni Nora kahapon, Mayo 21.
Labis ang pagkabigla ni Wilson dahil hindi nito inaasahang marami ang bibili ng tinapay na ipinangalan sa namayapang legendary actress.
“Grabe, umaga pa lang, halos maubos na ang Pan de Nora. Limang libong piraso ang ginawa ng mga baker ko, pero umaga pa lang, paubos na,” pahayag ni Wilson nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Huwebes, Mayo 22.
Related Stories:
THE ORIGIN OF PAN DE NORA
Hindi orihinal na ideya ni Wilson Flores ang Pan de Nora dahil dekada ’70 nang magkaroon ng tinapay na may ganoong pangalan.
Noong nabubuhay pa ang entertainment editor na si Isah Red, na kababayan ni Nora at isang avid Noranian, siya ang nagkumbinsi kay Wilson na buhayin ang tinapay na Pan de Nora.
Kuwento ni Wilson: “Kapag kumakain noon si Isah sa Kamuning Bakery Café, sinasabi niya sa akin parati, ‘Wilson, ikaw ang may-ari ng oldest bakery sa Quezon City, kailangan buhayin mo ang Pan de Nora.’
“Sabi ko, ‘Ano yung Pan de Nora?’
“'Alam mo ba, Wilson, nung kasikatan ni Nora, the whole ‘70s, may Pan de Nora sa Bicol, sa Iriga City.
"'Tinapay yun na may pulang tuldok. Yung pulang tuldok, yun ang nunal ni Nora.'
“Nung buhay pa si Isah, kinukulit ko yung mga tauhan ko saka baker, 'Gawa tayo ng tinapay na Pan de Nora.'
"Sinasabi ko pero hindi nila sineseryoso. Akala nila nagdyo-joke ako.”
Read: Nora Aunor: Fast facts about Philippine cinema's Superstar
THE MAKING OF PAN DE NORA
Muling naalala ni Wilson ang pangungulit sa kanya ni Isah nang mamatay si Nora.
Pagpapatuloy niya: “Nung namatay si Nora, nalungkot ako. Nagpunta ako sa Heritage dahil tagahanga tayo ni Nora.
“Ibang klase siya, hindi lang magaling na artista, marami siyang pelikula na naiiba ang istorya — may tungkol sa inapi, anti-U.S. military bases.
"Kaya para hindi siya makalimutan ng mga tao, lalo na ng mga kabataan, sabi ko sa bakers ko, ‘Gawa tayo ng Pan de Nora.’
“Tamang-tama, magbi-birthday na siya, yung ginawa namin, parang honoring her, pero huwag mahal ang presyo.
"Hindi bale na konti lang ang kita, ang habol lang natin, i-honor siya."
Makikilala ang Pan de Nora dahil sa pasas sa ibabaw nito, bilang simbolo ng nunal ng yumaong aktres.
Saad ni Wilson: “Yung tinapay, imbes na pulang tuldok, ginawa kong pasas. Kasi kung pula, parang fake.
"Yung unang ginawa ng baker ko, inilagay niya ang pasas sa gitna.
“Sabi ko, mali. Ilagay sa gilid ang pasas dahil kung sa gitna, parang pusod ng tao. E, ang nunal ni Nora, nasa gilid."
Read: Mga di malilimutang kaganapan sa pagpanaw ni Nora Aunor

Pagbabahagi pa niya: “Yung bakers namin, may tatlong pinakamagaling mula sa Bicol. May taga-Naga, Albay.
“Nang umpisahan namin ang paggawa ng Pan de Nora, sinabi ko sa kanila na huwag kalimutan na hindi ito ordinary na trabaho.
“'Kababayan ninyo si Nora Aunor, itong ginagawa ninyo, parang tribute sa kababayan ninyo.' Lalo silang ganado na mag-bake ng Pan de Nora.
“Alam ko, ang pagluluto ng pagkain, pareho sa baking. Kapag masaya ka, mas masarap ang pagkain.
"E, masarap ang Pan de Nora dahil ganadung-ganado ang mga Bicolano baker ko."
Ayon kay Wilson, ang presyo ng Pan de Nora ay twenty-five pesos lamang per pack, na naglalaman ng dalawang piraso. Ang palaman nito ay cheese at butter.
"Ang ganda ng pagkakaluto!" sambit ni Wilson.
“Ayoko ng mahal na presyo kasi kailangan pangmasa dahil si Nora, hindi elitist ang image niya, kaya ginawa naming affordable ang Pan de Nora.”
Nadagdagan ang pagkabigla ni Wilson tungkol sa Pan de Nora dahil sa mga order na kanyang natatanggap mula sa mga taong naninirahan sa malalayong lugar na gustong matikman ang tinapay na parangal niya sa Superstar.
“Ang nakaka-touch, may mga nag-o-order from Batangas, Alabang, Bulacan,” nagugulat na reaksiyon ni Wilson.
Dahil dito, napilitan daw siyang gisingin ang mga natutulog na baker niya para gumawa ng mabenta at mabilis maubos na tinapay.
“Nakakagulat dahil may mga mayayaman, may simpleng mga tao na nag-o-order ng Pan de Nora.
“Nakaka-touch ding may mga nag-email sa akin galing sa U.S., Canada.
"Nagugulat ako, ang dami pala ng nagmamahal kay Nora.
“Ang akala ko kasi, iba na ang panahon ngayon. Mga Korean star na ang hinahangaan.
"Pero bilib ako, marami pa ang nakakaalala kay Nora.
"Hindi ko na-imagine na ganyan karami ang order,” saad ni Wilson.