Nakilala ni Lotlot de Leon sa unang pagkakataon si Joven “Betty” Villamayor noong Abril 21, 2025.
Si Betty ay pamangkin sa pinsan ng pumanaw na ina ni Lotlot, ang premyadong aktres at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor.
Read: Nora Aunor dead at 71
Si Betty ay production staff ng showbiz-oriented talk show ng GMA-7 na Fast Talk with Boy Abunda.
Noong Abril 21, kasama si Betty sa staff ng Fast Talk na nagpunta sa Heritage Park para sa special coverage ng programa ni Boy Abunda sa burol ng sumakabilang-buhay na aktres.
Pinsang-buo ni Nora ang ama ni Betty na si Florencio, pero hindi nakapunta si Florencio sa Heritage Park dahil sa karamdaman.
Magkaedad sina Betty at si Matet de Leon, isa sa apat na adopted children ni Nora.
Read: Highlights: Nora Aunor's state necrological service
NORA WANTED TO ADOPT BETTY
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files kay Betty, sinabi nitong nais siyang ampunin noon ng Superstar.
Ang ama ni Betty na si Florencio ang personal driver noon ni Nora.
Nang isilang ng misis ni Florencio si Betty, sinabi ng aktres na aampunin niya ang bata.
Ayon kay Betty, pumayag ang kanyang mga magulang na ipaampon siya kay Nora.
Pero bigla raw nagbago ang isip ng mag-asawa dahil pitong taon ang kanilang ipinaghintay bago sila nagkaroon ng anak.
Matagal nagsilbi si Florencio bilang personal driver ni Nora.
Pero nawalan siya ng trabaho dahil madalas na naibabangga niya ang sasakyan ng aktres sa tuwing nalalasing siya.
Nang hindi natuloy ang pag-ampon ni Nora kay Betty, nalaman ni Florencio na nag-ampon ng ibang bata ang kanyang pinsan — at ito nga si Matet.
Huling nakita ni Betty si Nora nang bumisita ang Superstar sa Fast Talk with Boy Abunda noong Pebrero 15, 2023.
Nahiya si Betty na magpakilala sa kanyang Tita Nora, pero nakapagpakuha siya ng litrato kasama ang aktres na muntik na niyang maging "nanay."

Binibiro si Betty ng mga kaibigan nitong walang Matet kung natuloy ang pag-ampon sa kanya ni Nora, at napapangiti na lamang siya sa mga naririnig na biro.
At tulad ng milyun-milyong Pilipino, ikinalungkot at nagdalamhati si Betty sa pagkawala ng nag-iisang Superstar ng Philippine entertainment.
Read: Mga di malilimutang kaganapan sa pagpanaw ni Nora Aunor