Milyun-milyon na ang views at libu-libo na ang mga komento sa viral video ni Sister Genevieve Jeanningros.
Si Sister Genevieve ang 81-year-old na madreng Pranses na lumabag sa protocol ng Vatican nang lumapit ito sa kabaong ng matalik niyang kaibigang si Pope Francis para magpaalam.
Nangyari ang paglabag noong Miyerkules, Abril 23, 2025, nang magsadya si Sister Genevieve sa pinagbuburulan ng Santo Papa sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City.

Pumanaw sa edad na 88 noong Abril 21 si Pope Francis. Libu-libo ang bilang ng mga taong pumila sa St. Peter’s Basilica para makita ang kanyang mga labi sa huling pagkakataon.
Read: Pope Francis dies at 88
Pero imbes na sumali sa pila, pumasok si Sister Genevieve sa lugar na nakalaan lamang para sa mga cardinal, obispo, at pari na pawang mga lalaki.
Sa video na kumalat na sa social media, nakita si Sister Genevieve na tinulungan ng isang opisyal na makalapit sa lubid na nagsilbing harang sa kabaong ni Pope Francis.
Ilang talampakan lamang ang layo ni Sister Genevieve mula sa kabaong ng Santo Papa habang lumuluha siya dahil sa labis na pagdadalamhati.
Kahit nilabag ni Sister Genevieve ang protocol ng Vatican, walang pumigil sa kanyang ginawa.
Unang nagkakilala sina Pope Francis at Sister Genevieve noong 2000 nang bumiyahe ang madre sa Buenos Aires, Argentina, mula sa Roma.
Pumunta si Sister Genevieve sa Buenos Aires para dumalo sa pangalawang beses na paglilibing ng kanyang tiyang si Leonie Duquet na isang madre rin.
Obispo pa lamang noon si Pope Francis at gamit pa ang kanyang pangalan na Jorge Mario Bergoglio.
Siya ang nagbigay ng permiso sa muling paglilibing kay Duquet na kinidnap at pinatay noong dekada ’70, sa panahon na nasa ilalim ng diktadurang pamumuno ang Argentina.
Noong Hulyo 2024, nagpunta si Pope Francis sa Ostia, isang coastal area sa Lazio region sa Italy, para makipagkita kay Sister Genevieve.
Sa lugar na ito naglilingkod at tumutulong si Sister Genevieve sa mga mahihirap at mga miyembro ng LGBTQ+ community, partikular na ang mga transgender women.

Madalas ding bumibisita si Sister Genevieve kay Pope Francis at madalas na nagsasama siya ng mga miyembro ng LGBTQ+ community sa kanyang pagdalaw sa Santo Papa noong nabubuhay pa ito.