Makalipas ang apatnapu’t tatlong taon—43 years—matapos magsama sa pelikulang Himala, “reunited” sina Nora Aunor at Ishmael Bernal.
Read: Nora Aunor, surrounded by her children in her very last moments
Magkatabi ang puntod nila sa Libingan Ng Mga Bayani sa Taguig City.
Si Ishmael o Bernie, na ipinanganak noong Setyembre 30, 1938 ay pumanaw noong Hunyo 2, 1996.
Si Nora o Ate Guy, na ipinanganak noong Mayo 21, 1953 ay pumanaw noong Abril 16, 2025.
Ang critically acclaimed na pelikulang Himala ay kinilala ng CNN bilang Best Asia-Pacific Film of All Time noong 2008.
NORA AUNOR AND ISHMAEL BERNAL
Ang Himala ang opisyal na kalahok sa 8th Metro Manila Film Festival, ang annual all-Filipino-films festival na idinaos noong Disyembre 25, 1982-Enero 3, 1983.
Isa ito sa mga mga hindi makalilimutang pelikulang pinagbidahan ni Nora.
Ang direktor ay si Bernal, at ang screenplay ay gawa ni Ricky Lee, na naging National Artist din.
Siyam na parangal ang iginawad noon sa Himala, kabilang ang Best Picture, Best Director para kay Bernal, at Best Actress para kay Nora.
Hinirang si Bernal na National Artist for Film noong 2001, sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo.
Si Nora at Ricky ay sabay na hinirang na National Artist for Film and Broadcast Arts noong Hunyo 2022, sa bisa ng Proclamation 1390 na nilagdaan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Nagkatrabaho rin sina Nora at Bernal sa pelikulang Ikaw Ay Akin (1978).
Una na silang nagkasama sa Makulay na Daigdig ni Nora, ang television series sa RPN9 na umere mula 1974 - 1979.
Atake sa puso ang ikinamatay ni Bernal.
Acute respiratory failure ang ikinamatay ni Nora.
Unang inilibing si Bernal sa Himlayang Pilipino, pero noong Setyembre 14, 2024, binigyan ang direktor ng state funeral at inilipat ang kanyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani.
NATIONAL ARTISTS AT LIBINGAN NG MGA BAYANI
Magkakasama sa iisang lugar sa Libingan ng mga Bayani ang mga puntod ng mga pumanaw na Pambansang Alagad ng Sining.
Magkakatabi ang libingan nina Nora, Bernal, at Marilou Diaz-Abaya (Marso 30, 1955- Oktubre 8, 2012).
Kahanay nila ang mga puntod ng mga sumusunod:
- Arturo Luz (Nobyembre 26, 1926-Mayo 26, 2021), National Artist for Visual Arts

- Eddie Romero (Hulyo 7, 1924-Mayo 28, 2013), National Artist for Film and Broadcast Arts

- Lauro Alcala (Agosto 18, 1926-Hunyo 24, 2002), National Artist for Visual Arts

- Bienvenido Lumbera (Abril 11, 1932- Setyembre 28, 2021), National Artist for Literature
- Wilfrido Ma.Guerrero (Enero 22, 1910-Abril 28, 1995), National Artist for Theater

- Levi Celerio (Abril 30, 1910-Abril 2, 2002) National Artist for Music
- Ernani Cuenco (Mayo 10, 1936- Hunyo 11, 1988) National Artist for Music
- Ramon Valera (Agosto 31, 1911- Mayo 25, 1972), National Artist for Fashion Design

- F.Sionil Jose (Disyembre 3, 1924- Enero 6, 2022), National Artist for Literature

Payak ang mga krus na palatandaan ng himlayan ng mga Pambansang Alagad ng Sining.
Sa kabila ng mahirap pantayang superstar status ni Nora, walang ipinagkaiba ang kanyang krus na simpleng-simple rin.
May nakasulat na "Nora C. Villamayor, Natl Artist Film and Broadcast Arts, Nora Aunor Superstar."
Isa itong matibay na paalaala na pagdating sa kamatayan, pantay-pantay ang lahat.