Dumalo si Barbie Forteza sa red-carpet premiere ng Samahan Ng Mga Makasalanan bilang suporta sa kanyang kaibigan na si David Licauco, ang bida ng pelikula.
Ginanap ito Huwebes ng gabi, Abril 10,2025, sa Cinema 11 ng Gateway Mall 2 sa Cubao, Quezon City.
Sa panayam kay Barbie ng mga miyembro ng media, sinabi niya na masaya siya para kay David na ginampanan ang karakter ni Reverend Sam.
Ang Samahan Ng Mga Makasalanan, na iprinodyus ng GMA Pictures, ay itatanghal sa mga sinehan sa Abril 19.
"In-invite niya ako so I’m happy to be here tonight. I am so proud of him. Alam ko pinaghirapan niya ito, lalo na, sabi niya this is something new for him.
"Noong una, medyo nangangapa pa siya. Pero he’s so excited and now tapos na, papanoorin na natin," pahayag ni Barbie.
Bilang Kapuso star, ikinatuwa ni Barbie na marami ang dumalo sa premiere ng pelikula.
"Maraming salamat sa pagpunta ninyo to support the cast. especially David.
"Ang message ko sa kanya, I am just so so proud of him. I just want him to enjoy the night dahil alam kong pinaghirapan niya ang pelikulang ito."
STORY OF SAMAHAN NG MGA MAKASALANAN
Tungkol sa isang pari na tinulungan na magbagong-buhay at ituwid ang mga pagkakamali ng mga makasalanan na mamamayan ng isang bayan ang kuwento ng Samahan Ng Mga Makasalanan.
Tinalakay sa pelikula ang mga kasalanan na lust, sloth, wrath, greed at pride na akmang-akma para sa paggunita ng Mahal Na Araw simula sa darating na Lunes, Abril 14.
Si Benedict Mique ang direktor ng Samahan Ng Mga Makasalanan.
Mapangahas ang pelikula dahil sa paggamit ng mga karakter ng pelikula ng mga salita na malaswa sa pandinig ng mga konserbatibo, tulad ng mga pribadong bahagi ng katawan ng mga kababaihan at kalalakihan.
Bago nagsimula ang screening ng Samahan Ng Mga Makasalanan, nagsalita si Mique sa mga tao na tulungan ang industriya ng pelikulang Pilipino.
"I am sure mag-e-enjoy kayo so tulungan po natin, especially, magaganda naman ang mga pelikula na ginagawa natin.
"Tulungan natin ang industry and please promote the Filipino films,” ang pakiusap ni Mique.