Brand-new SUV ang natanggap ni Rabin Angeles bilang talent fee nang kunin itong celebrity endorser ng The Green Flavonoid for The Lab by Blanc Doux.
Read: Rabin Angeles, nagbago ang mundo dahil sa Ang Mutya ng Section E
Kaya nag-aaral na siya na magmaneho ng sasakyan habang hinihintay niya ang kanyang driving license.
Si Rabin ang isa mga bida ng Mutya ng Section E. Sumikat siya nang husto dahil sa kanyang breakout role sa phenomenal hit series ng Viva One.
At dahil sa popularidad niya, napili siyang celebrity ambassador ng The Lab by Blanc Doux, isa sa mga skincare product ng Viva Beauty.
Dahil mayroon na siyang sasakyan, hindi na sumasakay sa Point-to-Point bus (P2P) ang 20-year-old newcomer sa tuwing lumuluwas mula sa tahanan sa Angeles City, Pampanga papunta sa Metro Manila.
Napag-usapan ang kanyang bagong sasakyan sa media conference ng beauty brand, na naganap nitong Huwebes ng hapon, Abril 10, 2025, sa Viva Café, Cubao, Quezon City.
"Dati po nung nagwo-workshop pa ako, from Pampanga, ang workshop ko po noon, mga 10A.M. sa Ortigas, Pasig City.
"Bibiyahe po ako, mga 7A.M., aalis na po ako. Magpi-P2P ako papunta sa Trinoma, then sasakay ako ng MRT.
"Bababa akong Shaw Boulevard, tapos maglalakad lang po ako papunta sa Tektite.
"Wala po akong pamasahe noon, e."
Ang tinutukoy ni Rabin na Tektite ay ang building sa Ortigas kunsaan matatagpuan ang opisina ng Viva Entertainment.
RABIN ANGELES, NAKIKILALA NG FANS PAG NAGLALAKAD
Hindi pa nasusubukan ni Rabin na sumakay sa P2P mula nang magkaroon ng sariling sasakyan, pero naglalakad pa rin siya tulad ng kanyang nakagawian.
"Hindi ko pa po nata-try ulit, pero palagi po akong naglalakad kapag malapit lang kasi hindi po ako marunong mag-drive.
"Yung brother ko po ang nagda-drive."
May mga nakakakilala na rin daw kay Rabin na mga nanonood ng Mutya Ng Section E.
"Kapag po lumalabas ako, naglalakad-lakad, nakakatuwa po kapag may lumalapit sa akin.
"Nakikilala nila ako. Minsan mga lola. Nakakatuwa po kapag nakikilala nila talaga ako," nakangiting salaysay ni Rabin.
Tapos nang sumailalim sa driving school si Rabin.
"Marunong na po ako [mag-drive]. Hinihintay ko lang yung license. Student pa lang po kasi kaya hindi pa po ako nagda-drive.
"Bago mag-start yung series parang nag-aaral na po akong mag-drive. Tinuturuan na ako ni Kuya kasi required po akong mag-drive [sa series].
"Na-try [ko] nang mag-drive sa subdivision lang, yung mga wala pang sasakyan masyado," lahad ni Rabin.
Wala pa siyang lakas ng loob na magmaneho sa kahabaan ng EDSA.
"Nakakakaba po, pero dapat kayanin kasi hindi naman po palagi nandiyan ang brother ko, kaya nag-aaral pa po ako habang wala pa yung license," ani Rabin.
Read: Andres at Ashtine, makakasama ang co-stars sa fan meet
GRATEFUL TO FANS
Taos-puso ang pasasalamat niya sa lahat ng kanyang mga tagahanga dahil unti-unti nang natutupad ang mga pangarap niya.
"Unang-una po, nagpapasalamat ako sa lahat ng mga sumusuporta sa akin.
"Hanggang ngayon, hindi po ako naniniwala na ang dami na.
"Parang kailan lang po, dumadaan talaga ako sa likod. Ganoon lang po lagi ang role ko dati na parang talent na laging nasa likod lang.
"Tapos ngayon, nabigyan ako ng break ng Mutya ng Section E kaya ngayon super thankful ako saka nagpapasalamat lang po ako sa Diyos palagi."