“Sana po makita silang buhay pa po.”
Ito ang nababahalang panawagan ni Dehm Howard Adalid tungkol sa mag-asawang Edsil Jess Adalid at Alexis Gale.
Kabilang sina Edsil, 34, at Gale, 23, sa missing persons mula nang manalanta ang malakas na lindol sa Mandalay, Myanmar, noong Biyernes, Marso 28, 2025.
Eksklusibong nakapanayam ng Cabinet Files si Dehm ngayong Martes ng tanghali, Abril 1, 2025.
Ayon kay Dehm, si Edsil ay isang music teacher na tubong Bais City, Negros Oriental.
“We are still hoping and praying. Ang daming naghihintay sa kanya dito sa amin.
“Actually, the whole city of Bais ay nagdadasal po para sa kaligtasan po nila,” lahad ni Dehm.
Apat na araw na mula ang sakuna, pero patuloy pa rin ang search operations sa Myanmar.
“Missing pa rin po sila until now. Yung Philippine embassy [staff], andun na mismo sa area para tumulong.
“Pero as of now, wala pa po kaming update na natatanggap,” ani Dehm.
Kuwento ni Dehm, si Edsil ang pinakamatanda sa anim na magkakapatid
Taong 2023 nang magpasya raw sina Edsil at Alexis na makipagsapalaran sa Myanmar.
Bilang music teacher, nagtuturo si Edsil sa Mandalay International School of Acumen sa Myanmar.
Naninirahan ang mag-asawa sa Sky Villa condominium building, na isa sa mga gumuho dahil sa 7.7-magnitude earthquake, na kumitil ng maraming buhay at ari-arian sa Myanmar at Bangkok, Thailand.

Read: Gloria Diaz "no filter" ang obserbasyon sa beauty pageants
FACEBOOK REACTION OF MISSING OFW
Dalawang araw matapos maganap ang lindol at mawala ang mag-asawa, nagulat ang pamilya ni Edsil dahil may reaksyon si Edsil sa isang Facebook post.
Noong una, marami ang natuwa at umasa na ligtas ang kalagayan nila ni Alexis.
“Hours before po kasi ng earthquake, nag- upload po siya [Edsil] ng videos [sa Facebook], at nag- comment yung isa kong kapatid.
“May convo sila sa comment section, pero hindi natin alam baka sa signal, or maybe he’s trying to communicate through reaction.
“The other night pa po, nag-notify yung reaction niya sa comment ng kapatid ko,” paliwanag ni Dehm.

Pero nanatili pa ring misteryo ang pagsagot ni Edsil sa Facebook post noong March 30, dahil hindi pa rin ito natatagpuan ng rescue team hanggang sa sinusulat ang artikulong ito.
Nakatanggap ng impormasyon ang pamilya ni Dehm na kabilang sina Edsil at Alexis sa mga nakaligtas at dinala sa ospital, pero hindi rin nagtagal ay nalaman nilang walang katotohanan ang balitang nakarating sa kanila.
Read: Story behind Happy Ongpauco's kabuhayan package, My Happy Home
RESCUE EFFORTS IN MYANMAR CONTINUE
Nakita sa gumuho na gusali ng Sky Villa ang mga personal na gamit ng mag-asawa.
Pero hindi pa natatagpuan ang kinaroroonan ng mga ito kaya patuloy sa paghingi ng dasal ang pamilya at mga kaibigan nila na umaasang ligtas sila.