Ngayong Lunes, Marso 24, 2025, ang ikalawang anibersaryo ng pagpanaw ng young actor na si Andrei Sison, anak ng dating aktor na si Marco Salvador.
Binawian ng buhay si Andrei, sa edad na 17, dahil sa malagim na aksidenteng nangyari sa harap ng New Intramuros Village, Commonwealth, Quezon City.
Bumangga sa pader ang kotseng sinasakyan nila ng kanyang mga kaibigan.
Sa apat na pasahero, tanging ang kapwa Sparkle artist niyang si Josh Ford ang nakaligtas.
Read: Sparkle artist Andrei Sison, 17, dies in car accident
Sa eksklusibong panayam ng Cabinet Files, ibinahagi ni Marco kung paano niya ginunita ang ikalawang anibersaryo ng pagkawala ng kanyang anak ngayong araw.
Ayon sa dating That's Entertainment mainstay, “Pinadalhan ko lang ng food ang friends ni Andrei. Yun ang gusto ni Andrei kasi mga ka-close niya yon.”
ANDREI'S DAD ON JOSH FORD
Ikinuwento rin ni Marco sa Cabinet Files na nagkikita sila minsan ni Josh sa mga pagtitipon.
Napanood niya kamakailan sa Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition ang lumuluhang pagbabahagi ng young actor tungkol sa naranasang aksidente na kumitil sa buhay ni Andrei at ng kanilang dalawang kasama, sina Paolo Bueza at Arman Velasco.
Lahad ni Marco: “Napanood ko ang kuwento ni Josh sa PBB.
"Nagkikita naman kami minsan sa mga gathering. Hiyang-hiya siya kapag nagkikita kami.
"Pero sabi ko sa kanya, 'Huwag mo nang isipin yon. Okay na yun.
“Sa burol kami ni Andrei kami unang nagkita ni Josh. Nalungkot siya, napaiyak.
"Mga ilang araw rin bago siya nakadalaw."
Read: Sparkle artist Josh Ford, patuloy ang therapy matapos ang kinasangkutang aksidente
MARCO STILL MISSES ANDREI
Lalong tumitindi ang pangungulila ni Marco kay Andrei habang lumilipas ang panahon kaya walang araw na hindi raw niya naiisip ang namayapang anak.
Madalas din siyang mag-post ng mensahe para kay Andrei kagaya nito: “I miss you, Drei. Daya mo, iniwan mo ako agad. I love you every day, Drei. Miss ko na talaga mga kuwentuhan natin. Kita-kits na lang tayo ulit.”

Gaya ng kanyang nakagawian mula nang mamatay si Andre, muling nagbahagi si Marco sa Facebook page nito ng mensahe bilang pag-alala sa anak na miss na miss na niya.
Mensahe niya (published as is): “It’s been two years Drei since you left us. Ang bilis ng panahon.
"I wish I could still talk to you. Hindi mawawala yung sakit pero nakasayanan ko na Drei.
“I am ok. Don’t worry Drei. I just miss you so much.
"Gusto ko lang pasalamatan ang lahat ng nagmamahal sa yo, lalo na kay Karla and sa family niya, kay Papa [Marco Sison] at sa mga kapatid ko, mga kaibigan ko, thank you so much.
“Hindi magiging ganoon kasaya ang 17 years ni Drei kung hindi kayo naging part ng buhay niya. Maraming salamat ulit."
Read: Marco Salvador, nagdadalamhati pa rin sa anak na si Andrei Sison
