Nabahiran ng lungkot ang mukha ng popular singer-actress nang kumustahin ng Cabinet Files ang matagal nang pagkakautang sa kanya ng gay comedian.
“Ipinagpasa-Diyos ko na lang," sagot ng singer-actress sa Cabinet Files.
Nagmagandang-loob ang singer-actress na pahiramin ng pera ang gay comedian dahil bukod sa matinding pakiusap nito, nangako itong ibabalik agad sa lalong madaling panahon ang inutang na PHP40,000.
Napako ang pangako ng gay comedian dahil sa kabila ng paulit-ulit na paniningil sa kanya, hindi siya nagpatinag.
Paulit-ulit ang sagot ng gay comedian na babayaran niya ang pagkakautang sa singer-actress.
Hanggang ang singer-actress na ang sumuko sa paniningil at ipinaubaya na lamang sa Diyos ang paghuhusga.
Read: Singer-actress, napuno na sa gay comedian na di pa bayad sa utang
THE REVEAL
Ngayong Miyerkules ng gabi, Marso 19, 2025, muling naungkat ang atraso ng gay comedian sa popular singer-actress dahil sa paniningil naman ng talent manager na inutangan din ng pera ng gay comedian.
Naubos na ang pasensiya ng talent manager sa mga pangako ng gay comedian na babayaran nito ang atraso pero walang positibo na resulta.
Napagod na ang talent manager sa "pabukas-bukas na pagbabayad" na pangako ng gay comedian kaya ginamit niya ang kanyang Facebook account para maningil.
Pinangalanan ng talent manager ang gay comedian.
Inilabas din niya sa Facebook ang mga screenshot ng mensahe ng pinautang na gay comedian, na nangakong magbabayad pero mahirap paniwalaan dahil sa kanyang iresponsableng reputasyon.
Ang popular singer-actress ang unang sumagi sa isip ng Cabinet Files sa paniningil na ginawa ng talent manager dahil, hanggang ngayon, hindi pa siya binabayaran ng gay comedian na umabuso sa kanyang tiwala at kabutihan.
Walang pagkakaiba ang tila naka-template na pangako ng gay comedian sa singer-actress at sa talent manager.
Parehong-pareho ang mga salitang kanyang binitiwan tungkol sa pangakong magbabayad na hindi naman niya tinupad.
Read: Gay comedian, di pa rin nagbabayad ng utang sa singer-actress