Si National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor ang title role sa Mananambal.
Pero sa mga pangunahing artista ng pelikula, siya ang hindi dumalo sa media conference na ginanap sa Viva Café, Cubao, Quezon City, noong Huwebes, Pebrero 6, 2025.
Read: Bianca Umali, nagulat sa billing issue umano sa pelikula nila ni Nora Aunor
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na may problema sa kalusugan si Nora kaya piling-pili ang mga lugar na pinupuntahan at okasyon na kanyang pinupuntahan.
Kahit alam ng karamihan sa mga miyembro ng entertainment ang kasalukuyang kalagayan ni Nora, ito pa rin ang kanilang hinanap sa ginanap na press conference ng kanyang bagong proyekto.
Read: National Artist Nora Aunor on some younger stars: “Dadaan-daanan ka na nga lang.”

DIREK ADOLF ON NORA'S HEALTH
Si Adolf Alix Jr., direktor ng Mananambal at matalik na kaibigan ni Nora, ang nagpaliwanag tungkol sa hindi pagsipot ng 71-year-old superstar.
Saad niya, “Alam naman po natin na napaka-sensitive po kasi ng sitwasyon ni Ate Guy.
"So, may advice po kasi sa kanya, ang doktor po, na baka public gathering, pinali-limit po yung kanyang pagdalo dahil po sa kanyang kalagayan.
“In as much as, siyempre po, gusto niya kayong makasama, pero dahil po din sa naging sitwasyon, kapag bumuti-buti po at binigyan siya ng clearance, baka po makapunta siya sa premiere night.
"So, inilalaan po natin dun sa mas mga importanteng event, kasi nga po pinipili niya talaga sa ngayon."

Read: Nora Aunor, pumayag gawan ng sequel ang classic film niyang Bona
Tinanong din si Direk Adolf kung makatutulong pa si Nora sa pagpo-promote ng Mananambal, na itatanghal sa mga sinehan sa Pebrero 19.
Sagot ng direktor, “Pinag-uusapan po lang ng prod [production staff ] kung paano po siya, kahit mag-send po siya sana o makapag-promote via Facebook or social media para po sa kanyang mga fans.”
Sina Bianca Umali, Kelvin Miranda, EA de Guzman, Martin Escudero, at Jeric Gonzales ang mga co-star ni Nora sa Mananambal.
Hindi man makatulong si Nora sa promosyon ng kanilang pelikula, maaasahan naman ang mga kasama niya na pawang masisipag sa pagpapaalaala sa publiko tungkol sa proyekto nilang malapit nang mapanood sa mga sinehan.
Read: Nora Aunor reveals plan for trilogy movie about her life
