Hindi napigilan ni GMA Integrated News anchor at DZBB commentator na si Joel Reyes Zobel na magbigay ng reaksiyon kaugnay ng traffic violation ni Quezon City Second District representative Ralph Tulfo.
Lumabag sa batas-trapiko ang mambabatas nang dumaan ang kanyang sasakyan sa EDSA busway noong Enero 23, 2025.
Ito ang ikalawang beses na nilabag ni Congressman Tulfo ang pagdaan sa EDSA busway.
Una, noong Setyembre 2024.
Read: Sen. Raffy Tulfo, ipinagtanggol ang anak na si Cong. Ralph Tulfo
Kaugnay nito, nagpatutsada si Reyes Zobel sa pamamagitan ng pagpu-post sa social media ngayong Sabado, Enero 31, 2025.
Saad niya, “People will be exposed for what they really are.
“Dalawang beses nang nahuhuli ang anak mo, senador, sa loob ng apat na buwan. Hindi pa ba abuso yun?
"Huwag double standard, Sir. How can you be a lawmaker, when you are a law breaker?!”
Ginamitan niya ito ng hashtag na #wangwang Family.

Kalakip ng post ni Joel ang quote card ng pahayag ni Senator Raffy Tulfo, ama ni Congressman Raffy Tulfo, tungkol sa ginawang paglabag sa batas-trapiko ng kanyang anak.
RAFFY TULFO
Humingi na ng paumanhin ang nakababatang Tulfo dahil sa paglabag niya at ng kanyang driver sa paggamit ng EDSA busway.
Tiniyak ni Ralph Tulfo na walang nangyaring pang-aabuso sa awtoridad para makalusot o mapawalang-sala siya sa naganap na insidente dahil tinanggap niya ang traffic citation ticket.
Sinabi ng kongresistang nabayaran na rin niya ang multang ipinataw ng LTO at nakahanda siyang sumailalim sa seminar para higit maunawaan ang mga batas sa trapiko na mahigpit na ipinatutupad ng LTO.
Nang hingan ng pahayag si Senator Raffy tungkol sa pagkakamaling ginawa ng anak, na kanyang pinagalitan, sinabi nitong wala siyang nakikitang problema dahil inamin naman nito ang pagkakamali at hindi umano ito nang-abuso ng kapangyarihan.
Saad ng senador: “Kapag hindi siya nang-abuso, hindi nagmura, wala kaming problema.
“Well, in-admit naman niya, hindi siya nagsinungaling. Nag-apologize siya.
"So, wala akong nakikitang problema dun.
"As long as hindi siya tumakas, hindi siya gumamit ng plakang 8, which karapatan niyang gumamit pero hindi siya gumamit.
"It just shows na hindi siya abusado.
“Ang pagkakaalam ko ata, nagmamadali siya, yung driver niya pumasok dun sa busway.
"Pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko, pinagalitan ko. Nag-sorry siya sa akin.
"Ang sabi ko, mag-apologize siya sa lahat, and that’s it.”
Read: Senator Chiz Escudero apologizes after EDSA bus lane breach
PHP5,000 FINE
Kinumpirma ni Land Transporation Office (LTO) chief Vigor Mendoza II na limang libong piso (PHPP5,000) ang multang ipinataw kay Congressman Ralph Tulfo.
Dahil sa pagbabayad ng kaukulang multa, hindi na haharap si Tulfo sa kasong may kinalaman sa trapiko, pero binigyan siya ng traffic citation ticket.
Ipinaliwanag ni Mendoza na walang ibang paglabag na ginawa si Tulfo na nahuli nang pumasok ang kanyang sasakyan sa EDSA bus lane.
Kadalasan, reckless driving ang ipinapataw kapag may mga motoristang nagtangkang takbuhan ang traffic enforcer na aaresto sa kanila.
Idinagdag ni Mendoza na importante na kapag naaresto ang driver, idadagdag ito sa kanyang demerits.
Kung aabot sa 40 points ang demerits, magiging basehan ito para masuspinde sa pagmamaneho ng sasakyan at bawiin ang lisensya ng lumabag sa batas-trapiko.
Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ng lahat ng mga nabanggit sa artikulong ito.
Read: Richard Gomez faces backlash for comment about EDSA traffic