Nakabalik na sa China noong Biyernes ng gabi, Enero 10, 2025, ang Chinese actor na si Wang Xing matapos mabiktima ng human trafficking sa Bangkok, Thailand.
Lumipad si Wang sa Thailand noong Enero 3, dahil tinanggap niya ang alok na maging bahagi ng pelikulang kukunan umano ang mga eksena sa Bangkok.
Huli na nang malaman ni Wang na biktima siya ng panlilinlang ng taong nagpakilalang empleyado ng isang major Thai entertainment company at inalok siya ng acting assignment sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya sa WeChat.
Naglaho si Wang noong Enero 5 sa hangganan ng Thailand at Myanmar.
Ikinaalarma ito ng kanyang girlfriend kaya nanawagan ito sa Chinese social media platform na Weibo.
Read: Chinese actor reported missing near Myanmar-Thailand border
Nag-viral ang paghingi ng tulong ng kasintahan ni Wang dahil nakuha niya ang atensiyon ng Chinese government at ng sikat na Chinese personalities na nagbahagi sa social media ng kanyang panawagan.
Noong Enero 7, nailigtas si Wang mula sa isang scam center sa Myanmar pero kalbo na siya at malaki ang kanyang ipinayat sa loob lamang ng dalawang araw na pagkawala niya.
Isiniwalat ni Wang sa Thai Police na dinala siya sa Myanmar ng taong sumundo sa kanya sa airport, kinalbo at pinuwersang sumailalim sa training para manloko ng mga tao sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.
Ang malungkot na karanasan ni Wang ay isa lamang sa maraming kaso ng mga taong biktima ng human trafficking at ginagamit sa cybercrime activities ng mga sindikato sa Myanmar.
Sinabi ng isang Thai source na iniiwasan ng mga namamahala sa scam center na mapagtuunan sila ng pansin kaya pinalaya agad nila si Wang para hindi na madagdagan pa ang ingay ng pagkawala nito.
Read: Chinese actor, natagpuan apat na araw matapos maiulat na nawawala
CHINESE MODEL ALSO MISSING
Hindi lamang si Wang ang Chinese national na naging biktima ng human trafficking dahil hanggang ngayon, pinaghahahanap ng Chinese authorities ang male model na si Yang Zeqi na nawawala mula pa noong Disyembre 20, 2024.

Gaya ni Wang, lumipad si Yang sa Thailand noong Disyembre 20, 2024, dahil sa mensaheng natanggap niya na nakapasa siya sa audition para sa isang pelikulang gagawin sa nabanggit na bansa.
Mula sa Suvarnabhumi Airport, sumakay si Yang sa isang kotseng ibinigay ng “film crew" na nagdala sa kanya sa Thailand-Myanmar border area.
Noong Disyembre 21, nagpadala si Yang ng mensahe sa kanyang mga kaibigan at ipinagtapat niya ang pinagdaraanang depresyon.
Sa video call sa kanyang ina noong Disyembre 29, sinabi ni Yang na nakasuot ng itim na damit na ligtas ito pero may sugat siya sa gilid ng kanyang mata.
Mula noon, nawalan na si Yang ng komunikasyon sa kanyang pamilya na nagpasyang hingin ang tulong ng Chinese Police at Chinese embassy sa Thailand at Myanmar kaya nag-iimbestiga na ang Thai Police.
Maikukumpara ang nangyari kina Wang at Yang sa isang Chinese national na dinukot sa Pasay City noong Hunyo 7, 2024.
Pinahirapan at sinaktan ang biktima sa isang Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga, dahil tumanggi siyang sumanib sa mga scamming activity.
Sa panayam kay PNP Regional Office 3 Director Police Brig. Gen. Jean Fajardo sa Teleradyo Serbisyo noong Sabado, Enero 11, 2025, sinabi niyang maaaring may koneksiyon sa pagsasara ng mga POGO hub ang sunud-sunod na kaso ng kidnapping sa Maynila ng mga Intsik.
Maihahalintulad ang kidnapping sa mga nangyayari sa mga Chinese national na inaakit na pumunta sa Thailand para gumawa ng pelikula pero dinudukot at ginagamit sa cybercrime at illegal activities ng mga sindikato sa Myanmar.