Walang katotohanan ang balitang tinupok ng apoy na nananalanta sa Southern California ang iconic Hollywood sign sa Mount Lee ng Santa Monica Mountains.
Read: Bayanihan ng mga Pinoy, buhay na buhay sa Los Angeles wildfire
Sa kabila ng mga pangambang maaaring umabot ang sunog sa Hollywood Hills, buong-buo pa rin ang iconic sign at malayo pa rin ito sa pinangalanang "sunset fire."
Hindi pa tumatawid ang apoy sa malawak na Hollywood freeway kaya fake ang mga larawan at AI-generated ang mga video ng nasusunog na Hollywood sign na kumakalat sa social media.
Sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag, kinumpirma ni Jeff Zarrinnam na ligtas ang iconic landmark ng Los Angeles, California, at walang apoy o sunog na nakita sa paligid nito.
"The Sign itself is not affected and is secure," paglilinaw ni Zarrinnam.
Si Zarrinnam ang Hollywood sign Board of Trustees chair na responsable sa pangangalaga at seguridad ng makasaysayang landmark na maraming beses nang ginamit sa mga eksena sa mga pelikula at telebisyon.

"Hollywoodland" ang unang pangalan ng Hollywood sign na itinayo noong 1923 bilang advertisement para sa isang real estate company.
Noong 1944, ipinagkaloob sa Los Angeles ang Hollywoodland sign pero inalis ang salitang "land" noong 1949 kaya nakilala ito bilang Hollywood.
Read: Klaudia Koronel, nilikas ang pasyente mula sa Pasadena fires
HOLLYWOOD STARS AFFECTED BY THE WILDFIRES
Ang mapamuksang apoy sa Southern California ang dahilan kaya inihinto ang lahat ng mga entertainment event at shooting ng mga pelikula.
Sina James Woods, Anthony Hopkins, John Goodman, Ricki Lake, at Jamie Lee Curtis ang karagdagan sa listahan ng Hollywood celebrities na nasunugan ng mga tahanan.
Una nang naiulat ang pagkasunog ng mga bahay nina Paris Hilton, Adam Brody, at Billy Crystal.
Nalaman lamang ni Paris na tinupok ng apoy ang beachfront house niya sa Malibu habang nanonood siya ng television news.
Hindi naman napigilan nina James at Jamie Lee na mapaluha sa mga TV interview habang nagkukuwento tungkol sa pagkawala ng kanilang mga tahanan dahil sa Los Angeles wildfires.
Inanunsiyo ni US President Joe Biden ang kanyang mga ipinatutupad na utos para matulungan ang mga apektado ng wildfires sa Southern California.
"I'm announcing that the federal government will cover 100 percent of the cost of measures to protect lives and property in Southern California for six months.
"I’ve told the Governor and officials to spare no expense and do whatever they need to contain the fires and protect families.
"I'm surging every federal resource possible to Southern California, including hundreds of federal firefighters, 30 firefighting helicopters and planes, 8 DoD C-130s, and 500 military ground-clearing personnel.
"And we’re working closely with the U.S. Department of Defense (DoD) to identify what more we can surge,” deklarasyon ni Biden.