Umiral ang pagiging mahiyain ni Julia Barretto sa ginanap na media conference para sa Hold Me Close dahil sa tanong sa kanyang may kinalaman sa Star for All Seasons na si Vilma Santos at sa Young Superstar na si Judy Ann Santos.
Si Julia ang bidang babae sa Hold Me Close, isa sa mga opisyal na kalahok sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na mag-uumpisa sa Disyembre 25, 2024.
Pareho ring may entries sina Vilma at Judy Ann sa MMFF 2024; si Vilma ang bida sa Uninvited at si Juy Ann naman ang bida sa Espantaho.
Read: MMFF 2024: Star power, plus factor sa pagpili ng official entries
Bago pa nakapagbigay ng reaksiyon si Julia, ang kanyang kapareha sa Hold Me Close na si Carlo Aquino ang naunang sumagot.
Sinabi ni Carlo na may laban si Julia dahil sa ipinamalas nitong husay sa pag-arte sa kanilang pelikula.

JULIA VS VILMA AND JUDY ANN FOR MMFF 2024 BEST ACTRESS
Nahihiyang reaksiyon ni Julia, “I don’t know. I am not sure how to answer that question.
“Number one, sobrang iniidolo ko silang dalawa, so even to mention my name beside theirs is medyo nakakadiyahe siya.
“But I think this alone, this film making it to MMFF on their 50th year and just being included is already such a great honor.”
Kinunan sa Japan ang mga eksena ng Hold Me Close, na reunion movie nina Julia, Carlo, at ng direktor na si Jason Paul Laxamana.
Una silang nagkasama sa critically-acclaimed movie na Expensive Candy na produksiyon ng Viva Films at ipinalabas sa mga sinehan noong Setyembre 14, 2022.
“Feeling ko, pre-planned na magre-reunion kaming tatlo," pahayag ni Julia sa media conference ng Hold Me Close na ginanap sa isang events place sa Quezon City nitong Biyernes ng tanghali, Nobyembre 22, 2024.

Unang nakatrabaho ni Julia si Jason sa 2019 blockbuster movie na Between Maybes na kinunan din sa Japan ang mga eksena. Kapareha ni Julia rito ang boyfriend na niya ngayong si Gerald Anderson.
Pagpapatuloy ng aktres, “Talagang pinag-usapan na naming tatlo and we just waited till Direk would get inspired again and write a love story for both Caloy and I.
"But more than anything, ang ganda ng pagkasulat ni Direk sa movie.
“I think what makes this special is the fantasy aspect of it. I don’t do much of it. Ang pinakagawa kong fantasy sa Wansapanataym.
"It’s deep and it’s very meaningful."
Read: MMFF 2024 Final 5 official entries announced
JULIA BARRETTO RETURNS TO MMFF
Walong taon na ang nakararaan buhat nang magkaroon ng proyekto si Julia para sa Metro Manila Film Festival.
Pinagbidahan niya ang Vince & Kath & James na kalahok sa MMFF 2016, kaya nasasabik siyang muling sumakay sa float para sa Parade of Stars sa Disyembre 21, 2024 na idaraos sa Maynila.
“Aside from the film, I am really looking forward [na sumakay ] sa float, actually ‘coz the first one I did was in 2016 for Vince & Kath & James.
“I am looking forward to that but I am also looking forward to watch all of the MMFF movies,” sabi ni Julia.