Ramdam na ramdam ng mga dumalo sa Rising Tigers Charity Ball ang awkward moment sa pagitan ng mga TV host at Manila City mayoralty candidates na sina Isko Moreno at Sam Verzosa.
Iyon ang kauna-unahan nilang pagtatagpo matapos na pormal maghain ng kanilang mga certificate of candidacy para sa 2025 elections noong Oktubre 6 at Oktubre 8, 2024, respectively.
Read: Isko Moreno, nagpaparamdam na sa kanyang "pagbabalik" sa Manila
Read: Sam Verzosa, pormal nang naghain ng kandidatura para Manila mayor
Ginanap ang Rising Tigers Charity Ball sa Makati Shangri-La Hotel nitong Miyerkules ng gabi, Oktubre 30, 2024, kung saan kapwa tumanggap ng mga parangal sina Isko at Sam.
Men of Power and Purpose ang iginawad na karangalan kay Isko.
Tumanggap naman si Sam ng mga parangal na Philantropist of the Year, Excellence Award for Outstanding Public Service Program para sa Dear SV ng GMA-7, at Excellence Award for Outstanding Public Service Program Host.

ISKO MORENO AND SAM VERZOSA'S UNEXPECTED MEETING
Sinabi ng isang insider sa Cabinet Files na parehong hindi alam umano nina Isko at Sam na magkasabay silang gagawaran ng parangal kaya hindi nila inaasahan ang kanilang pagkikita.
Nang dumating si Isko, kasama ang kanyang running-mate at vice-mayoralty aspirant na si Chi Atienza, sinalubong agad siya ng mga miyembro ng media.
Read: Kapatid ni Yul Servo, umanib sa partido ni Isko Moreno

Tanong kay Isko, "First time na makikita ninyo ang isa sa mga makakatunggali ninyo, si Sam, how do you feel about that?”
Napangiti si Isko sa narinig na tanong. Nag-thumbs up at nagsalita lamang ito ng “Good luck!”
Nang bigyan ng parangal sina Isko at Sam, kasama si Senator Bong Go, imbes na isa-isa, magkakasunod na tinawag ang kanilang mga pangalan at pinaakyat sa stage.
Si Sam ang unang lumapit kay Isko para batiin ang makatutunggali sa mayoralty race sa Maynila para sa halalan sa Mayo 12, 2025.

Nang muling tawagin si Isko para umakyat sa entablado at maghatid ng kanyang acceptance speech, mapapansing nakinig mabuti si Sam sa mga sinasabi niya.
Ngunit nang si Sam na ang tawagin sa entablado para magsalita, tumayo si Isko at nakunan ng video ang pag-alis nila ng kanyang mga kasama.

Sa dami ng mga bumabati kay Isko, nagpang-abot pa rin sila ni Sam sa entrance ng pinagdausan ng charity ball ng Rising Tigers.
Pero marami ang nakapunang hindi na nagpansinan ang dalawa kaya lalong naramdaman ng mga nasa paligid ang pagkailang nila sa isa’t isa.

Nang tanungin ang isa sa mga kasama ni Isko kung bakit aalis na sila, ininguso nito si Sam. Kumpirmasyon itong may naganap na iwasan sa magkatunggali sa mayoralty race sa lungsod ng Maynila.
Read: Sam Verzosa, hindi raw gagamitin si Rhian Ramos sa politika
SAM VERZOSA ON ISKO MORENO
Hindi na nabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro ng media na makausap si Isko kaya si Sam na lamang ang inusisa tungkol sa hindi inaasahang pagtatagpo nila.
“Nobody informed us. Dumating ako medyo late. When we were given these awards, we were not told kung sino pa yung ibang awardees,” sabi ni Sam.
Nagsalita rin siya tungkol sa paglapit niya kay Isko para kamayan at batiin ito sa parangal na natanggap.
Aniya, “Wala naman bad blood sa amin. It’s just a gentleman’s shake of hand, a gesture dahil parehas kaming binigyan ng award,”
Sinagot din ni Sam ang tanong tungkol sa biglang pag-alis ni Isko at ng mga kasama nito habang nagsasalita siya sa entablado.
“Habang nagsasalita tayo, bigla siyang lumabas, na-inform lang din ako ngayon kasi hindi ko naman napapansin.
"Wala naman akong masasabi kung bakit ganoon po siya, anong magagawa natin?” napangiting sabi ni Sam.
Inaasahang magiging three-way fight ang labanan para sa mayoralty race sa Manila sa 2025 elections.
Bukod kina Isko at Sam, tumatakbo rin sa pagka-mayor si incumbent Manila Mayor Honey Lacuña.