“I am very happy na nagkita na rin sila ng nanay niya.”
Ito ang pahayag ng aktor na si Jay Manalo sa Cabinet Files tungkol sa pagkikita ng kanyang kapatid na si Julius Manalo at ang Korean mother nitong si Oh Geum Nim.
Read: Filipino-Korean policeman reunites with Korean mom after 31 years
Isang police officer si Julius sa Manila Police District.
Dati rin siyang player ng Maharlika Pilipinas Basketball League, kung saan naglaro siya para sa mga koponang Valenzuela Classics at Manila Stars.
Sa loob ng tatlumpu’t isang (31) taon, hindi nakita ni Julius ang kanyang ina dahil sa edad na anim, mula sa South Korea ay iniuwi siya sa Pilipinas ng ama niyang si Eustaquio Manalo Jr.

Matagal na nangulila si Julius sa kanyang ina. Hindi siya tumigil sa paghahanap dito.
Noong nakaraang buwan, muli silang nagtagpo sa South Korea sa tulong ng programang Mommy’s Spring Day ng TV Chosun.
Napanood sa buong mundo ang pagtatagpo ng mag-ina.
Maraming mga tao ang pinaluha ng kanilang makabagbag-damdaming eksena na higit pa sa mga kuwento ng mga madadramang Koreanovela na sinusubaybayan ng mga Pilipino.

JAY MANALO'S OWN STORY
Pero hindi nagkakalayo ang kuwento ng buhay nina Jay at Julius.
Sa edad na anim, nawalay rin ang aktor sa kanyang Vietnamese mother na si Kim Lan Jones.
Miyembro ng banda at bass player ang ama ni Jay, samantalang mang-aawit ang Vietnamese mother niya.
Si Jay ang naging bunga ng pagmamahalan nina Eustaquio at Kim Lan.
Unang nabigyan ng pagkakataon si Jay na muling makita ang kanyang Vietnamese mother matapos ang matagal na panahong wala silang komunikasyon sa isa’t isa.
Gaya ng kuwento ng pagtatagpo nina Julius at Oh Geum Nim, marami ang pinaluha ng pagkikita nina Jay at Kim Lan Jones noong 1995.
Nagsisimula pa lamang ang showbiz career noon ni Jay nang mangyari ang reconciliation nila ng kanyang ina, na matagal nang naninirahan sa Amerika dahil nakapag-asawa ng U.S. serviceman.

“Nasa U.S. pa rin siya kasama ang American half-brother at half-sister ko," pahayag ni Jay sa Cabinet Files.
Patuloy raw ang komunikasyon nila ng kanyang U.S.-based Vietnamese mother, na nagagawa na rin ngayon ni Julius.
Araw-araw na ring nakikipag-usap si Julius sa nanay niyang Korean dahil bumabawi sila sa mga panahong nawala at ipinagkait ng tadhana pero nagkaroon ng maganda at masayang pagtatapos.
Read: Jay Manalo, binalikan ang short stint niya sa youth-oriented show Ang TV

JAY ON BROTHER JULIUS
Labintatlong taon ang agwat ng mga edad nina Jay at Julius, pero hindi maipagkakailang magkapatid ang dalawa dahil kapwa sila mahilig maglaro ng basketball.

Malaki rin ang pagpapahalaga nila sa edukasyon na kapwa nag-aral ng criminology course.
Pareho ring may puso para maglingkod sa bayan ang Manalo brothers dahil miyembro si Julius ng Manila Police District, at Philippine Navy reservist naman si Jay.

“Tatlo kaming magkakapatid, kaso yung bunso namin, namatay at the age of five,” pagbabahagi ni Jay.
Sabi pa niya tungkol sa natitirang kapatid, “Okay kami ni Julius, as always. Ako ang bestman sa kasal niya.
“And I am proud sa kung ano ang status niya ngayon sa buhay. I am very happy na nagkita na rin sila ng nanay niya.”
Read: Jay Manalo, itinangging siya ang "actor boytoy" na inuugnay sa isang politiko
JAY MANALO'S SACRIFICES
Gaya ni Julius, naranasan ni Jay ang maraming hirap para matupad ang kanyang mga pangarap.
Isang semester na lamang ang dapat bunuin ni Jay para matapos ang kurso nito sa kolehiyo, pero nalibang na siya sa pagtatrabaho hanggang pasukin niya ang showbiz industry.
Dahil tumataas na noon ang talent fee ni Jay bilang aktor, pinahinto niya si Julius sa paglalako sa kalye ng basahan at siya na ang nagpaaral sa kanyang kapatid noong high school student ito.

Kung nasubukan noon ni Julius magtinda ng mga bilog na retasong basahan sa kalye, nagtrabaho si Jay sa murang edad sa pamamagitan ng pamamasukan bilang helper, pagbebenta sa kalsada ng mga sigarilyo, kendi, at diyaryo.
Hanggang ngayon, memoryado ni Jay ang pagsigaw ng “People’s, Bulletin, Tempo!”
Ni minsan, hindi raw pumasok sa isip niya noong darating ang araw na mababasa ang kanyang pangalan at makikita ang kanyang mga larawan sa mga pahayagang dating ibinibenta niya dahil naging artista siya.
Kung si Julius ay inalagaan ng Korean na lola niya noong maliit na bata pa siya, si Jay ay lumaki rin sa lola.
Aminado si Jay na mas mahal nito ang kanyang lola kesa sa tatay at nanay niya.
Maraming hirap na pinagdaanan si Jay noong bata pa siya, pero hindi siya kinakitaan ng anumang bitterness.
Sa halip, nagpapasalamat pa siya sa mga aral na natutunan mula sa mga mabibigat na pagsubok na pinagdaanan niya noon.
Pareho sila ni Julius na nagbibigay ng inspirasyon sa lahat dahil sa makulay at punumpuno ng aral na pamumuhay mula maliit na bata hanggang sa pagtuntong nila sa wastong edad.