Kalahok sa grand finals ng populat quiz show na Battle of the Brains noong 1999 si Sam Verzosa.
Ang businessman, Dear SV host, Tutok To Win Partylist representative ang naging kinatawan noon ng school na pinapasukan niya, ang Angelicum School sa Quezon City.
Si David Celdran ang host ng Battle of the Brains na umere sa RPN9, at dito unang nagtagpo ang mga landas nila ni Sam.
SAM VERZOSA AND DAVID CELDRAN REUNION
Makalipas ang dalawampu’t pitong taon, muling nagkita at nagkasama ang dalawa dahil si David ang inimbitahan bilang host ng fund-raising drive ni Sam para sa ipapatayo nitong dialysis at diagnostic centers sa Maynila.
Sampung luxury cars na nagkakahalaga ng PHP200 million ang ipina-auction ni Sam sa charity event na ginanap kanina, Linggo ng hapon, Setyembre 29, 2024, sa Frontrow International Headquarters, Quezon City.
Sa muling pagtatagpo nila ni David, masayang-masaya na ikinuwento ni Sam ang mga karanasan niya nang sumali siya noon sa Battle of the Brains.

"Fifteen to eighteen thousand pesos everytime we win. Ang laki nun kapag estudyante ka. I was fifteen years old at the time, so malaking pera noong time na iyon."
Paano niya ginastos ang cash prize?
"The usual, wala akong damit. Yun ang una kong binili."
Pinasalamatan ni Sam ang show na unang nagbigay sa kanya ng spotlight.
"Thank you sa Battle of the Brains, thank you Sir David na naging part ng journey ko, and that gave me confidence para lalo akong magsumikap, mag-aral na mabuti. The rest was history."
Para kay David, isang malaking karangalan na naging bahagi siya ng buhay ni Sam noong high school student pa lamang ito.
"I am really honored. I have no idea the show would have that effect on you," ang sabi ni David.
LUXURY CARS, NABENTA LAHAT
Samantala, sold-out ang sampung luxury cars na bahagi ng malawak na koleksiyon ng mga mamahaling sasakyan ni Sam, na siya ring president ng Modena Motorsports Inc., na distributor ng Maserati cars.
Hindi sinabi ni Sam ang pangalan ng mga mayayamang negosyante na bumili ng mga luxury cars niya para mapangalagaan ang kanilang mga katauhan, pero suportado nila ang kanyang hangaring makatulong sa mga nangangailangan.
Nakabili na rin si Sam ng lupa.
Ibig sabihin, tuloy na tuloy na ang pagpapatayo sa project niya.
"This is for the building of Sampaloc Dialysis and Diagnostics Center. Yun nga, yung tatay ko before he died, nag-dialysis din talaga siya.
"Ito po dagdag lang. Meron na tayong mga SV mobile complete with laboratory equipments, X-Ray, ECG, ultrasound.
"Meron tayong SV mobile botica na umiikot everyday para magbigay ng gamot sa mga kababayan natin.
"Ito po ay dagdag lang para matayuan natin ng dialysis center ang iba’t-ibang mga lugar sa Maynila, unang-una ang Sampaloc, kung saan ako lumaki, para sa libreng pagpapagamot ng mga kababayan ko sa Maynila,” ang paliwanag ni Sam.
Nasa plano rin niyang magpatayo ng dialysis center sa Tondo, Ermita, Malate at maraming iba pa.
In the meantime, tungkol sa unang location, aniya, "Yun ang tahanan ko, e. Dun ako lumaki, dun ang lugar kung saan ako ipinanganak, kung saan ako namulat, nangarap, at umasenso.
"Kaya gusto kong ibalik sa mga kababayan ko ang lahat ng ibinigay sa akin ng Diyos.”
Nauna nang inanunsiyo ni Sam ang balak na pagtakbo bilang mayor ng Maynila.
