Pagkatapos ang matagal na pananahimik, kinumpirma ng negosyante, television host at Tutok To Win Party-list Representative na si Sam Verzosa ang matagal nang haka-haka na kakandidato siya bilang alkalde ng Maynila sa halalan na magaganap sa Mayo 2025.

Naganap ang pag-amin ni Verzosa nang bumisita ito nitong Linggo nang umaga, Setyembre 22, 2024 sa Barangay 128 ng Tondo, Maynila, ang lugar na kinikilala bilang balwarte ni dating Manila City Mayor Isko Moreno, para mamahagi ng tulong sa mga residente ng Smokey Mountain.

Ang deklarasyon ni Verzosa ng kandidatura nito ang lalong magpapaigting sa mayoralty race sa Maynila dahil sa three-cornered fight na mangyayari sa kanila ni Isko at ni incumbent Manila City Mayor Honey Lacuna.
Read:
SAM, HINARANG ANG PAGBISITA SA TONDO?
Hindi naging madali para kay Verzosa ang pagpunta sa Smokey Mountain dahil muntik nang hindi matuloy ang pamamahagi niya ng tulong at may kinalaman ang mga tao na hinaharang ang kanyang pagbisita sa naturang lugar.
“Wala naman pong pinipiling lugar ang pagtulong,” ang pahayag ni Verzosa sa panayam sa kanya ng Cabinet Files.
“At ngayon sa kakatulong, inuudyukan tayo na maging mayor ho ng Maynila at kung saan tayo dalhin ng Maykapal, kung ito ang laban na gustong ibigay sa atin ng Diyos, kung kailangan ko ilaban ang mga tao ng Maynila, yung mga anak ng Maynila, iaalay natin ang sarili natin at ang kapalaran natin.
“Pero sa kasamaang palad nga po, wala tayong magagawa dahil may mga humaharang sa atin. Ganyan talaga ang pulitika. Siyempre kapag tumutulong ka, mapapamahal sa iyo ang mga tao, ayaw nilang mangyari iyon.
“Kaibigan ko po yung ibang mga kapitan, tinutulungan ko sila.Tinutulungan ko ang mga ka-barangay nila. Ngayon po, yung pagtulong ko, hinaharang, sinasabotahe.
“Alam niyo ho, kapag nabigyan tayo ng pagkakataon, tatapusin natin ang pamumulitika sa Maynila. Kung gusto natin ng pagbabago, sisimulan natin sa sarili natin
“Yun po ang panawagan ko sa mga kapitan sa Maynila, lahat ng mga namumuno, itigil na po ang pamumulitika.
“Yung pagtulong po na ginagawa natin, huwag ninyo kaming pipigilan. Pagamitin ninyo kami ng court para hindi kami bilad sa raw. Ibinibilad kami sa araw, e.”
Sa tanong kung paano niya babanggain ang mga itinuturing na pader sa pulitika sa Maynila, “Huwag mong babanggain, baka mauntog ka. Hindi natin babanggain kasi tumutulong lang tayo, wala tayong gagawin kundi kabutihan,” ang sagot ni Verzosa.
“Ibigay natin ang pera ng Maynila para sa mga tao, huwag lang sa bulsa ng iilang mga namumuno kasi ilang taon nang namumuno yung mga pangalan na iyan.
“Twenty years, twenty five years, thirty years, may nabago ba? Lalong naging bangkarote po ang Pilipinas. Hindi ko na matiis ang mga kababayan natin, nag-iiyakan na kanina kaya sabi ko, ako ang may kakayanan, ako ang binigyan ng Diyos ng ganito karaming biyaya.
“Kung anuman ang meron ako, hindi ako magbubulag-bulagan, hindi ako magbibingi-bingihan. Iaalay ko ang sarili ko at ang kapalaran ko para sa lahat.”
Read:
SAM AT ISKO, MAGIGING MAHIGPIT NA MAGKALABAN SA 2025 ELECTION
Si Isko ang mahigpit na makakalaban ni Verzosa sa mayoralty bid nito at ayon sa kanya, personal sila na magkakilala at madalas na nagkakasama noon sa mga pagtitipon na kapwa nila dinadaluhan.
“Ilang beses na rin kaming nagkasabay, mga awards night. Sabay kami na pinarangalan. Nagkasama rin kami nung magtayo ako ng E-skuwela sa Maynila para sa mga kabataan noong pandemya.
“Pumunta si Isko. May pictures kami. Marami kaming pictures ni Isko so masaya ako, nakilala ko siya at nakatulong kami na magkasama,” ang kuwento ni Verzosa na natutuwa dahil sa mainit na pagtanggap ng mga residente ng Smokey Mountain na matunog na “Mayor” na ang tawag sa kanya.
“Ngayon lang siguro nangyari ito sa buong Barangay 128,” ang sabi ni Verzosa.
“Buong Tondo, sabi ko lahat ng pamilya dito, gusto kong mabigyan ng biyaya.Walang uuwing malungkot. Lahat uuwing masaya, may ngiti sa mukha at may pag-asa,” ang pangako na binitiwan ng host ng Dear SV, ang public service program ng GMA-7.
Read: