“Down-to-earth at mabait.”
Ito ang mga natatandaan ni Sharmaine Arnaiz na magagandang katangian ni Hiroyuki Sanada, ang 63-year-old Japanese actor na nanalong Outstanding Lead Actor in a Drama Series sa 76th Primetime Emmy Awards.
Nanalo siya para sa kanyang pagganap sa FX series na Shogun.
Read: 76th Emmy Awards: Shogun, Hacks, The Bear win big
Idinaos ang Emmys 2024 sa Peacock Theater, Los Angeles, California, USA, noong Setyembre 15, 2024.
Si Hiroyuki ang unang Japanese actor na nagwaging best lead actor sa Emmys.
Personal na kilala ni Sharmaine si Hiroyuki dahil sa pelikulang pinagbidahan nila noong 1995, ang Emergency Call, na may Tagalog title na Sigaw ng Puso.
Bida rin sa Emergency Call si Lorna Tolentino.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang Cabinet Files na makilala si Hiroyuki nang personal kaming bumisita sa set ng pelikula noon sa Subic, Zambales.
Pagbabalik-tanaw ni Sharmaine tungkol sa Japanese actor: “He was so down-to- earth, mabait, and serious when it comes to his craft.
“But he was truly nice. He gave me VHS copies of his movies back then.
“He’s very easy to work with. I didn’t even feel he was a superstar.
“Back then, he was already very famous in Japan because he has been acting since he was younger.”
Read: Sharmaine Arnaiz, malaki ang pasasalamat kay Armida Siguion-Reyna
EMERGENCY CALL
Natuwa si Sharmaine nang ipadala namin sa kanya ang YouTube link ng Emergency Call na matagal na niyang hindi napapanood.
Mensahe niya: “Thank you sa link ng movie. I watched it now.
"Grabe, ang ganda pala ng role ko. I was so conscious because I played the role of a dancer and I was so nahihiya then.
“I didn’t even want to watch myself. Bata pa ako noon at siyempre, iba pa ako mag-isip.”

Iba ang boses na ginamit sa pelikula dahil naka-dub sa Japanese language ang kanyang mga linya.
Noong Setyembre 1997, dumalo si Sharmaine sa Fukuoka International Film Festival sa Japan, kasama ang direktor na si Marilou Diaz-Abaya.
Ipinalabas sa film festival ang Milagros, ang award-winning movie na pinagbidahan ng aktres at idinirek ng hinirang na National Artist for Film and Broadcast Art noong Hunyo 2022.
Natatandaan ni Sharmaine na binili niya sa isang bookstore ang libro at script ng Emergency Call nang magpunta sila ni Abaya sa Fukuoka, Japan.
Kuwento niya, “When I went to the Fukuoka Festival with Direk Marilou Diaz-Abaya for Milagros, that same time they were showing Emergency Call also and I was able to get hold of the book/script of the movie. They sold it in bookstores there.”
Read: Sharmaine Arnaiz remembers kindness of Maryo J. delos Reyes
