Naghahanda na ang isang aktor sa pagbabalik nito sa pag-arte dahil nauubos na ang mga perang naipon niya noong aktibo pa siya sa showbiz.
Nararamdaman na ng aktor ang malaking epekto ng desisyon nitong talikuran ang propesyong nagbigay sa kanya ng popularidad at pamumuhay na marangya dahil nabawasan na ang mga tagahanga niya.
Hindi na rin interesado ang showbiz press na makapanayam ang aktor na nakakasalamuha nila sa mga showbiz-related event na kanilang pinupuntahan.
Nakikipag-usap na ang aktor sa mga executive ng isang TV network para sa kanyang pinaplanong acting comeback.
Tinalikuran noon ng aktor ang pag-arte dahil mas nangibabaw ang ibang mga pangarap niyang hindi naman natupad at naghatid ng mga problema.
Read: TV show, magpapaalam na sa ere pagkatapos ng mahigit isang dekada
NO ONE TO BLAME BUT HIMSELF
Kung may dapat sisihin sa pagbagsak ng showbiz career ng aktor, walang iba kundi siya.
Pinairal niya ang katigasan ng ulo kaya nawala sa kanya ang magagandang proyekto at malalaking oportunidad na tinatamasa ngayon ng mga mas nakababatang artistang marunong tumanaw ng utang na loob at magpahalaga sa mga tagasuporta.
Nabawasan na rin ang mga nagtitiliang tagahanga ng aktor sa tuwing nakikita ito. Samantalang dati-rati, tinatalikuran niya ang mga taong nakakasabay niya sa pagsakay sa elevator para makaiwas sa mga gustong magpakuha ng litrato kasama siya.
Marami nang mga baguhang artista na sumikat mula nang magpasya ang aktor na kalimutan ang pag-arte.
Kailangan nitong magsikap nang husto para bumalik ang ningning ng kanyang tumamlay na showbiz career at para mabawi ang malaking halaga ng pera na nawala dahil sa mga maling desisyon niya na may kinalaman sa personal at propesyunal na buhay.