Nagpatuloy ang tila sinasadyang pang-iinsulto at pagyurak sa dangal ng pamahalaan ng Pilipinas ng pinatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac, na si Alice Guo.
Tumanggi si Guo, o Guo Hua Ping, na alisin ang kanyang suot na facemask nang iharap siya ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga miyembro ng media nang dumating sila sa bansa mula sa Jakarta, Indonesia, nitong Biyernes ng madaling-araw, Setyembre 6, 2024.
Hindi pumayag si Guo na mag-alis ng facemask.
Read: Buhay ni Mayor Alice Guo, puwedeng isapelikula?
Malaking balita sa Indonesia ang pagkakadakip kay Alice Guo dahil headline ito ng mga pangunahing news outlet sa naturang bansa.
Sa Indonesia nadakip ang fugitive at dismissed mayor ng Bamban, Tarlac, noong September 4, 2024, Miyerkules, o 18 araw matapos niyang tumakas sa bansa.

Malayung-malayo ito sa inasal niya ilang oras bago siya pinabalik sa Pilipinas ng Indonesian government.
Inalis ni Guo ang suot na facemask para sa mga photo-op at selfie picture kasama ang mga miyembro ng Indonesian Police at ang mga tauhan ng pamahalaan ng Pilipinas na sumundo sa kanya sa Jakarta.


Read: Alice Guo, mistulang artista matapos maaresto sa Indonesia
SENATOR RISA HONTIVEROS REACTS, SECRETARY BENHUR ABALOS EXPLAINS
Ang mga hindi nakakatuwang eksena ni Guo at ng mga kinatawan ng Pilipinas ang dahilan ng Facebook post ni Senator Risa Hontiveros:
“PAALALA lalo na sa mga kawani ng gobyerno: Si Alice Guo ay pugante. May kasong human trafficking. Hindi po yan celebrity.”
Sa ginanap na press briefing na pinangunahan ni Abalos, nagpaliwanag at naglabas siya ng saloobin tungkol sa binabatikos na “a-picture-paints-a-thousand-word photo” nila nina Guo at PNP Chief Rommel Marbil.
Makikita sa maikukumparang "meet-and greet" na larawan na kuha sa Jakarta na magkakatabi ang tatlo.
Nakangiti sina Abalos at Marbil, habang nasa gitna nila si Guo na matamis ang pagkakangiti, buong ningning na naka-peace sign ang mga daliri at naka-pose ng “Japan-Japan sagot sa kahirapan at moment ko ito.”

Paliwanag ni Abalos, “Pina-document namin para lang malinaw ito. E, hindi ko naman alam yung ginagawa niya.
"Nakaharap siya siyempre, nakatingin ako sa kamera na ganoon. Ang hirap naman nun, di ba? So, yun po ang nangyari niyan.”
Matapos magpaliwanag ay bumaling si Abalos kay Guo, “Alice, gusto mo ba sagutin bakit ka gumanoon? Siguro siya na lang ang tanungin ninyo.”
Sagot ni Guo, “Kinu-confirm ko po ang lahat po ng sinabi ni Secretary na meron po akong death threats po at humingi po ako ng tulong sa kanila.
"At masaya din po ako na nakita ko sila. I feel safe po,”
Pagkatapos nito ay tumalikod na siya at biglang naging “camera-shy.”

NO SPECIAL TREATMENT
Kung nagmistulang celebrity si Guo sa Jakarta, naging mailap naman siya sa Philippine media habang nakaposas na tinakpan ng puting tuwalya at suot niya ang orange T-shirt na may malalaking letra na CIDG Detainee.

Sa hiwalay na panayam kay Abalos ng mga reporter, itinanggi niyang binigyan nila ng special treatment si Guo nang sunduin nila sa Jakarta ang tinanggal sa puwesto na alkalde ng Bamban, Tarlac.

“Alam ninyo, that’s so unfair. Isipin ninyo, with all of these efforts, nagpunta kami roon na hindi namin alam kung [makukuha], hinahabol namin yung ala-una," pagtukoy ni Abalos sa 1 P.M. deadline na ibingay ng Indonesian government.
"Naghanap kami ng eroplano, hindi na kami nagpahinga, at wala kaming kasiguraduhan. What if hindi kami payagan?
“Tapos, malamang, puro kritisismo na ang inabot namin dito, and yet, nakuha namin.
"Just because of one picture na ipinaliwanag ko naman na ito nga ay kinuha lang dahil may sinabi siya sa amin.
"May kumuha [ng picture]. Ni hindi nga ako nakatingin, hindi ko nga alam kung anong pinaggagawa niya, e.
"Hindi bale kung nakatingin ako o nakatingin ka lang nang ganoon. Malay ko bang nakaganoon ang hitsura niya.
"Please naman, huwag naman ganyan. It’s so unfair," hinaing at pakiusap ni Abalos.