Ang mapanlinlang at hindi kumpletong video ng pamamahagi ng mga gulay ng aktres at Pasig City councilor na si Angelu de Leon para sa kanyang Birthday Pasasalamat Community Pantry ang dahilan para intrigahin at batikusin siya ng netizens.
Sa Agosto 22, 2024 pa ang kaarawan ni Angelu.
Pero nagdaos na siya ng Birthday Pasasalamat sa kanyang mga kababayan sa Pasig City noong Agosto 10 sa pamamagitan ng community pantry.
Read: Angelu de Leon may permiso ni Pasig Mayor Vico Sotto ang pagtanggap ng showbiz projects
Nabahiran ng intriga at malisya ang pagkakawanggawa ni Angelu dahil sa isang video post na inaakusahan siya ng pamumulitika at pamimigay lamang ng limang pirasong sitaw sa mahigit 300 residente ng Pasig City, na pumila at nilambing niyang suportahan ang Pulang Araw, ang primetime drama series ng GMA-7 na kanyang kinabibilangan.
Bilang pagtutuwid sa maling akala ng mga tao at walang sapat na basehang paratang, sumagot si Angelu.
Buwelta ng actress-politician sa uploader ng video, “I do my yearly birthday community pantry as a way of giving back and being grateful to my constituents. Personal ko po ito.
“Nahiya naman ako na hindi ito sapat para sa yo pero, I guess, hindi ka naman taga-Pasig.
"I will promote Pulang Araw because I am proud of our show."
May paglilinaw rin si Angelu tungkol sa sitaw na nakita sa video na kinukuha ng mga residente mula sa community pantry.
“Meron hong putol na upo kasi hindi ko kaya magbigay ng buo. Pinuputol namin para meron ang lahat.
“Ang mahal na pala talaga ng gulay ngayon. Hindi talaga aabot ang 64 pesos sa isang masustansiyang meal per day,” paliwanag ni Angelu.
Read: Angelu de Leon: "Binabayaran ako para maging ang sama."
KIKO RUSTIA DEFENDS ANGELU DE LEON
Kinampihan at ipinagtanggol si Angelu ng kanyang kapwa Pasig City councilor na si Kiko Rustia.
Saad ni Kiko, “Pasensiya na pero mali naman masyado ang tingin mo kay Ms. Anj. Kasama ko siya maglingkod and gaya niya, may sarili din akong pantry sa district ko and we’ve been doing it since before pa.
“Mali naman na i-bash niyo siya because she is one of the kindest most generous, most Christ centered public servant I know.
“I need to speak about this kasi napakabuting tao ni Ms. Anj.And mali as in maling-mali ang sinasabi niyo about her.”
Hindi lamang si Kiko ang nagdepensa kay Angelu dahil ipinagtanggol din ito ng mga kababayan niya sa Pasig City na pinatotohanang well-organized ang community pantry ng aktres.
Bukod sa mga gulay, tumanggap din daw sila ng bigas, prutas, at groceries.
At kung titingnan ng mga bumatikos kay Angelu ang Facebook page nito, makikita nila ang mga bulto-bultong gulay na pinilahan ng mga kababayan niya sa kanyang Birthday Pasasalamat community pantry.