Trigger Warning: Sexual abuse
Pormal nang naghain ng reklamo sa isang ahensiya ng pamahalaan ang 22-year-old male talent na biktima umano ng seksuwal na pang-aabuso ng may katungkulang empleyado ng isang TV network.
Read: Talent ng isang TV network, biktima ng pangmomolestiya
Pero maaaring maghintay pa siya ng ilang buwan bago maimbestigahan ang kanyang problema kaya nais niyang hingin ang tulong ni Senator Robin Padilla, ang chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media.
Mabilis kasing nabigyan ng aksyon ng senado ang sexual-harrassment complaint ng Sparkle artist na si Sandro Muhlach laban sa "independent contractors" ng GMA-7 na sina Jojo Nones at Richard "Dode" Cruz.
Read: Niño Muhlach gets emotional at Senate hearing on son Sandro's ordeal
MALE TALENT'S ORDEAL
Nag-umpisa ang kalbaryo ng male talent, na summa cum laude graduate ng isang unibersidad, noong Hulyo 22, 2024.
Inimbitahan umano siya ng taong inaakusahan ng pang-aabuso sa isang bar sa Makati City para bigyan ng mga payo tungkol sa trabaho dahil unang linggo ng paglilingkod niya sa TV network.
Hindi niya malilimutan ang karanasang ito dahil nangyari ang imbitasyon ng akusado sa araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Naganap naman umano ang karahasan sa kanya noong hatinggabi ng Hulyo 23, 2024.
Nabasa ng Cabinet Files ang testimonya ng complainant.
Dito ay detalyadong inilahad ng male talent ang pang-aabuso umano sa kanya.
Base rito, nalasing, nakaramdam ng panghihina, at dinala umano ng akusado ang complainant sa isang hotel sa Pasig City.
Nang magkaroon ng malay ang male talent, at napagtanto nitong inabuso siya ng taong kanyang pinagkatiwalaan at may mahalagang posisyon sa TV network na kapwa nila pinaglilingkuran, pinuntahan umano niya ang pinakamalapit na police station para magreklamo.
Pero muling nagkaroon ng malungkot na karanasan ang biktima dahil hindi umano pinaniwalaan ng mga pulis ang kanyang testimonya.
Diumano, pinagtawanan pa ng mga pulis ang kanyang kuwento dahil hindi makapaniwala ang mga awtoridad na may mga kalalakihang nagiging biktima ng rape.
Read: Kapuso artist, sumasailalim sa psychological treatment
CALL FOR JUSTICE
Sinubukan umano ng complainant na idulog sa programa ni Senator Raffy Tulfo ang kanyang problema, pero tila may mga kumilos kaya walang nangyari sa plano niya.
Hindi na pumapasok sa trabaho ang biktima na umuwi muna sa tahanan nila sa Batangas.
Pero desidido siyang mabigyan ng hustisya ang sinapit niya, lalupa’t marami na ang nagpapalakas sa kanyang kalooban.
Nadismaya ang mga kasamahan ng male talent sa trabaho dahil ang pakiramdam nila, kinakampihan ng management ng TV network ang akusado.
Ngayong Huwebes ng gabi, Agosto 8, natanggap ng Cabinet Files ang impormasyong tatlong talents ng TV network ang nagbitiw mula sa kanilang mga tungkulin dahil sa labis na demoralization.
Higit sa lahat, hindi nila umano masikmurang makatrabaho ang akusado na mariing pinabubulaanan ang reklamo ng male talent.
Hindi nagpapatinag ang male talent, na naninindigang totoo ang lahat ng mga paratang niya laban sa TV employee na nagpatikim sa kanya ng isang karimarimarim at traumatic na karanasan.