“Mahal niya ako,” sabi ni Willie Revillame nang dumalaw siya sa burol ni Mother Lily Monteverde sa 38 Valencia Events Place, Valencia Street, Quezon City, nitong Miyerkules ng umaga, Agosto 7, 2024.
Sinadya ni Willie na pumunta nang maaga (bandang 9 A.M.) habang walang tao sa burol ng industry icon — na pumanaw sa edad na 84 noong Agosto 4, 2023 — para mapayapa siyang makapag-alay ng panalangin.
Read: Lily Monteverde, Regal matriarch and showbiz icon, dies at 84
Ikinuwento ni Willie na naramdaman niya ang pagmamahal sa kanya ni Mother Lily sa tuwing pumupunta ito nang biglaan sa Wil Tower para yayain siyang kumain.
Kuwento ni Willie sa Cabinet Files, “Mahal ako niyan. Pinupuntahan niya ako sa Wil Tower, sasabihin niya, 'Kain tayo.'
“Mabait yan. Unang kotse ko, galing sa kanya.
"Binigyan niya ako ng mga pelikula, nauna yung Bobo Cop [1988]. Kasama ko si Joey Marquez.
"Binayaran ako ni Mother ng PHP45,000 para sa tatlong pelikula. Mura pa ang mga kotse noon, PHP30,000 lang.”

Hindi malilimutan na nabili niya ang kanyang unang sasakyan dahil sa mga proyekto na ibinigay ni Mother Lily.
Read: Who is Mother Lily Monteverde?
Lahad pa ni Willie, “Si Douglas Quijano ang nakipag-usap kay Mother para bigyan ako ng projects. Hindi siya ang manager ko pero siya ang tumulong sa akin para magkaroon ako ng pelikula sa Regal Films."
Ang talent manager na si Douglas Quijano ay pumanaw noong June 13, 2009.
Labis na ikinalungkot ni Willie ang pagpanaw ni Mother Lily, na dati nang magiliw sa kanya kahit noong hindi pa siya sikat na TV host.
Nang malaman noon ni Willie na may sakit si Mother Lily, dumalaw siya sa tahanan sa Greenhills, San Juan City.
Tuwang-tuwa si Mother Lily nang makita nito si Willie at paulit-ulit ang kanyang pagsasabing "idol" niya ang host ng Wil To Win.
Nagpasalamat si Willie kay Mother Lily at ipinaalaala niyang nakapagpundar siya ng sasakyan noong 1988 dahil sa mga pelikulang ipinagkatiwala sa kanya ng Regal Films.
Nang bumisita si Willie sa burol ni Mother Lily, paulit-ulit siyang nagpasalamat para sa lahat ng mga naitulong, hindi lamang sa kanya kundi sa lahat ng mga artista at manggagawa sa industriya ng pelikulang Pilipino ng sumakabilang-buhay na movie producer.
Read: Rio Locsin, malaki ang pasasalamat sa yumaong si Mother Lily