Sina Lorna Tolentino, Rio Locsin, Gina Alajar, Charo Santos-Concio, at ang original Regal babies na sina Maricel Soriano at Snooky Serna ang ilan sa mga showbiz personality na nagpunta sa unang gabi ng lamay para kay Mother Lily Monteverde noong Lunes, Agosto 5, 2024.
Pumanaw ang Regal Films founder noong Linggo, Agosto 4.
Read: Lily Monteverde, Regal matriarch and showbiz icon, dies at 84
Si Mother Lily ang nagbigay kina Lorna (Diosa,1982), Rio (Disgrasyada, 1979) at Gina (Diborsyada, 1979) ng mga starring role sa pelikula at nagtiwala noon sa kakayahan ng tatlong aktres na kinikilala ngayon bilang respetado at award-winning actresses.
Inilunsad naman ng Regal Films sina Maricel at Snooky sa Underage (1980).
RIO LOCSIN REMEMBERS MOTHER LILY
Ikinuwento ni Rio sa panayam ng Cabinet Files na si Mother Lily ang nagbigay sa kanya ng malaking break sa pamamagitan ng launching movie niyang Disgrasyada, na idinirek ni Elwood Perez.
Kumita ang pelikula ng isang milyong piso sa unang araw ng pagbubukas nito sa mga sinehan noong Enero 12, 1979.
Noong panahong iyon ay malaking halaga ang PHP1 million para sa proyekto na pinagbibidahan ng isang baguhan.

“Dito talaga ako sa Regal nagsimula,” ani Rio.
“Parang homegrown ako, original ako sa Regal babies na talagang walang kaalam-alam, pero binigyan ako ng pagkakataon ni Mother Lily na magkaroon ng magagandang pelikula.
“Marami sa magagandang pelikula ko, galing sa Regal, at hindi ko makakalimutan yon.
"Yung paggabay, yung suporta, tinuruan talaga ako from scratch, kasi bagung-bago ako noon. Batambata ako kaya talagang hindi ko makakalimutan si Mother Lily.
“Naging blessing sa akin ang Regal at naging blessing ako sa kanila."
Patuloy ng aktres, “Wala akong matandaan na funny anecdote tungkol kay Mother.
"Ang alam ko lang talaga, nung nagsisimula ako, kasi mahiyain nga ako at wala naman akong kamalay-malay, kumakain ako sa kitchen.
“Dun ako nakikihalubilo sa mga tao dahil mahiyain ako. Ayokong nakikihalubilo sa maraming artista, sa malalaking tao.
“Sa kitchen lang ako ni Mother Lily palaging dumadaan, dun ako tumatambay kaya hindi ko talaga makakalimutan ang bahay ni Mother Lily.
"Palagi akong nandoon, sa dami ng pelikula na ginagawa ko sa Regal.”

SENATE RESOLUTION HONORING MOTHER LILY
Dumalaw rin sa unang gabi ng burol ni Mother Lily si Senator Bong Revilla.
Naghain siya ng Senate Resolution para bigyan ng parangal at kilalanin ang mga kontribusyon ng namayapang movie at TV producer sa Philippine entertainment industry.
Sa Facebook post niya ngayong Martes ng hapon, Agosto 6, inilahad ni Bong ang Proposed Senate Resolution No.1099 na kanyang inihain.

Saad ng actor-politician: “Atin pong inihain ang Proposed Senate Resolution No. 1099 na nagbibigay-karangalan kay Lily Yu Monteverde o mas kilala natin bilang Mother Lily.
"Siya ay tunay na haligi ng entertainment industry na nagbigay-oportunidad sa mga artista, direktor at manunulat na maipakita ang kanilang angking husay at talento— na siyang nagpayabong sa pelikulang Pilipino.
“Kaya naman, nararapat lamang bigyang-pagkilala ang kanyang ‘di matatawarang kontribusyon sa sining at kultura ng ating bansa.”