Isang payak o simpleng pagdiriwang ng ika-45 anibersaryo ng Eat Bulaga! sa telebisyon ang idinaos noong Martes, Hulyo 30, 2024.
Nasanay ang publiko na nagkakaroon ng pagtatanghal ang Eat Bulaga! sa malalaking venues tulad ng Araneta Coliseum, Mall of Asia Arena, at Philippine Arena sa tuwing ginugunita ang anibersaryo ng longest-running noontime show.
Pero may paliwanag ang pioneer hosts ng programa na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon tungkol sa kanilang pasyang magdiwang sa studio ng TV5 sa Mandaluyong City.
Read: Eat Bulaga! returns to TVJ: "Isa lang ang puwedeng tawaging Eat Bulaga!."
Mensahe ni Joey, “Countdown begins for Eat Bulaga’s five years to five decades.
“Five years to fifty years and beyond. Limang taon o 1,826 days na lang para sa limang dekada kasama ang programang araw-araw na bumubulaga sa inyo.
"Wala nang lalaki pa sa show natin dito sa TV5. Mas malaki po ito.”

NO BIG SHOW FOR EAT BULAGA! 45TH ANNIVERSARY
Isiniwalat naman ni Vic na nagbalak sila ng malaking pagtatanghal, pero mas minabuti nilang tulungan ang mga kababayan nating sinalanta ng Typhoon Carina.
Saad niya, “Ang totoo po niyan, nagplano kami ng isang big show para sa selebrasyon ng 45th anniversary ng Eat Bulaga! dahil isang napakahalagang milestone ito sa kasaysayan ng programa.
"Pero may mas malaki palang selebrasyon maliban sa magagandang kantahan at sayawan.
“Dahil sa haba po ng panahon, mas mahalaga yung magpadala tayo ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo.
“Dapat sigurong magtulungan tayo upang ibangon ang kabuhayan ng mga pamilya na gustong makaahon araw-araw.”
Idinagdag ni Tito na magbibigay ang Eat Bulaga! ng mga bigas at ibang mga pangangailangan sa mga barangay na lumubog sa baha.
"DEAR EAT BULAGA!"
Binanggit ni Joey ang pagtulong na gagawin ng Eat Bulaga! sa pamamagitan ng "Dear Eat Bulaga!" segment.
Aniya, “Ang 'Dear Eat Bulaga!' po ay maghihintay sa mga liham ninyo, sulat tungkol sa mga pangkabuhayan ninyo. Mga negosyo po na gusto ninyong simulan, ibangon o palaguin.
“Labinglimang pamilya po, labinglimang negosyo sa 'Dear Eat Bulaga, Kabuhayan ni Juan.'”
Sa huli, inilahad ni Vic ang diumano’y pinakamalaking dahilan ng kanilang pasyang huwag nang magdaos ng magarbong pagdiriwang para sa ika-45 anibersaryo ng Eat Bulaga!.
“Ang budget para sa isang big show ay gagamitin na lang para sa pagtaguyod ng pangarap ng pamilya at kabataan.
“Sa 45th anniversary, muli nating sisimulan ang college scholarship para sa thirty college students sa EBest [Eat Bulaga’s Excellent Students],” may pagmamalaking balita ni Vic tungkol sa scholarship na ipinagkakaloob ng kanilang programa sa mga karapat-dapat na mag-aaral.
Ang Eat Bulaga! ay unang umere sa RPN-9 noong July 30, 1979. Nanatili ang noontime show sa naturang istasyon hanggang 1989.
Lumipat ang programa sa ABS-CBN (1989-1995) at GMA-7 (1995-2023).
Kasalukuyan itong napapanood sa TV5.